Thursday, April 23, 2009

TRINIDAD TECSON



TRINIDAD TECSON: Ang Inang sa Biac-na-Bato

Isang Hindi Pangkaraniwang Babae

Bayani Ng Himagsikan (1848 - 1928)

MAYKAYA ang mga magulang ni Trinidad Tecson, sina Rafael Tecson, isang magsasaka, at Monica S. Perez, na may tindahan sa kanilang kabayanan. Isinilang siya sa isang malaking familia, 16 silang magkakapatid, nuong Noviembre 18, 1848 sa kabayanan ng San Miguel de Mayumo, sa Bulacan. Natuto siyang bumasa at sumulat, bihira nuon para sa mga taga-provincia at lalong bihira para sa mga babae. Tumubo siyang mataas kaysa pangkaraniwang dalagita, ‘Tangkad’ ang kanyang naging palayaw sa mga kababata na natutong huwag siyang tuksuhin. Nag-aral pa siya kasi ng escrima kay Juan Zeto, ang kilalang escrimador sa mga Tagalog.

Maagang nakilala ang kanyang katapangan. Inakyat ng isang lalaki ang kanilang bahay isang gabi. Sa halip na gisingin ang mga kapatid na lalaki, sumunggab ng itak si Trinidad at hinataw sa ulo ang lalaki na tumakas na duguan.

Minsan naman, tinangka ng mga guardia civil na halughugin ang kanilang bahay, hahanap daw ng tobacco na nuon ay ipinagbabawal. Naghinala si Trinidad na inutusan ang mga guardia ng kanilang alferez upang guluhin ang bahay ng mga Tecson dahil tinanggihan ni Trinidad ang pagligaw nito, kaya hinarang niya ang mga guardia. Nang magpumilit ang mga ito, kumuha ng itak si Trinidad at nakipag-tagaan sa kanila. Nasugatan si Trinidad ngunit ang mga guardia ang umalis nang hindi naghalughog ng bahay.

Hinabla ng guardia civil ang kanyang ama at 3 buwan bago naayos ang caso at pinawalang sala ng hukuman ang mga Tecson subalit naging matunog sa buong lalawigan na si Trinidad ay may ‘pagka-lalaki.’ Karaniwan nuon na mag-asawa ang mga babae sa gulang na 15 o 16 taon, marami 14 lamang kaya itinuring na ‘matanda’ na si Trinidad, 19 taon gulang, nang mag-asawa. Nagka-anak siya ng 2, kapwa lalaki, pinangalanang Sinforoso at Desiderio.

Mason at katipunera

Naghanap-buhay si Trinidad sa kalakal ng mga vaca. Namakyaw din siya ng mga isda - sariwa, pinatuyo o dinaing - at iniluwas sa Manila. Hindi pangkaraniwan sa mga babae nuon, sumapi sa mga Mason si Trinidad, sa Logia de Adapcion, na laan para sa mga babaing Mason. Nuong 1897, sa gulang na 47, sumapi nang lihim si Trinidad sa Katipunan at tangi siyang babaing sumumpa, hiniwa niya ang kanyang bisig, at lumagda ng sariling dugo.

Pagkasiklab ng himagsikan, kasanib si Trinidad sa hukbo ni General Mariano Llanera sa Gitnaang Luzon at naging kilala siya, nakasuot ng rayadillo, ang uniforme ng katipunero, at malaking sombrero, kahanay ng mga lalaking sumagupa sa mga Espanyol, lalo na kapag kulang ang mga katipunerong nakikibaka, gaya nuong abanan sa Gulod Baboy.

Ilang ulit siyang nasugatan - sa madugong bakbakan sa Zaragosa, sa Nueva Ecija, nang tinamaan siya sa hita - subalit lagi siyang bumalik sa labanan paggaling ng kanyang mga kapansanan.

Bagaman at babae, tinanaw siyang pinuno ng mga katipunero dahil buo ang kanyang luob kahit sa init ng labanan at may 'utak' siyang kumilala ng mga dapat gawin upang magwagi. Isang suliraning binalak niyang lutasin ay ang kakulangan ng baril ng mga katipunero. May kasamang 3 alalay, pinasok niya ang hukuman sa Caloocan, dinaig ang mga guardia civil duon at himakot ang kanilang mga armas. Inulit, 5 lalaki ang kasama niyang sumugod sa cuartel ng San Isidro, sa Nueva Ecija, at nakaagaw duon ng 7 baril. Isang taksil ang nagsuplong sa mga Espanyol at hinabol si Trinidad at napilitan siyang lumipat sa Obando, sa Bulacan. Nuong labanan sa San Miguel, Bulacan, muntik na siyang nabihag minsang naghatid ang kanyang pangkat ng pagkain sa mga katipunero at tinambangan sila ng mga Espanyol. Lumupasay si Trinidad, nagkunwaring patay at gumapang patakas nang malingat ang mga Espanyol. Sa hukbo ni General Llanera, kasama si Trinidad sa mga sagupaan sa San Miguel, Baling Kupang at Biak – na –bato sa Bulacan, at sa San Ildefonso at sa Cabanatuan, sa Nueva Ecija. Kasapi naman sa hukbo ni General Francisco Makabulos ng Tarlac, nakipaglaban si Trinidad sa Zaragosa at sa San Antonio, sa Nueva Ecija. Nakibaka rin siya sa San Rafael, sa kabayanan ng Bulacan at sa Calumpit, sa hukbo ni General Isidro Torres, at sa labanan sa Dagupan, Pangasinan, sa San Isidro, Nueva Ecija, at sa Malabon, Manila (ngayon ay lalawigan ng Rizal).

Pagsupalpal sa Biac-na-Bato,Hinirang na Ministro si Trinidad

Nuong naglalabanan sa Calumpit, ipinasunog niya sa mga katipunero ang bahay ng isang senador na Espanyol dahil ginagamit itong kuta ng mga sundalong Espanyol. Minsan, muntik na siyang napatay nang, kasama lamang ang isa sa kanyang naging 3 asawa, si Julian Alcantara, at 2 dating katulong sa bahay, sinupalpal nila ang sugod ng mga Espanyol sa bukana ng Biac-na-Bato at pinaurong ang mga ito.

Kinilala ng pamahalaan ng himagsikan ang giting at galing ni Trinidad na mamuno nuong Enero 23, 1899, nang hinirang siyang ministro ng mga gamit ng himagsikan (comisaria de guerra, war minister of supplies), at pinahawakan sa kanya ang mga bodega ng pagkain sa Caloocan. Sumiklab ang digmaan laban sa pagsakop ng mga Amerkano pagkaraan lamang ng 12 araw, nuong Febrero 4, 1899, nagapi ang mga Pilipino sa paligid ng Manila at nagsimulang umurong ang mga hukbo.

Nanganib ang mga pagkain, gamit at mga sugatan sa Caloocan at mabilis na ipinasampa ni Trinidad ang mga ito sa 17 careta upang iligtas sa Santa Cruz, Zambales.


Sa Zambales at Nueva Ecija

Pumayag si General San Miguel subalit sumalungat si General Alejandro. Habang nagtatalo ang 2 general, pinasimulan ni Trinidad ang paghakot sa mga careta ng kanyang pangkat. Hindi man sila nakalayo nang narinig nila ang maraming putukan ng baril, - dumating na ang mga Amerkano. Mainit na nagtanggol sina General Alejandro at General San Miguel ngunit nadaig ang kanilang hukbo. Pababa na ang araw nang abutan sina Trinidad ng mga umurong na kawal ng 2 general. Sumang-ayon sila na tama ang sapantaha ni Trinidad at sama-sama silang tumakas sa Santa Cruz.

Mula duon, iniligtas ni Trinidad ang mga sugatang katipunero sa kabayanan ng Iba, sa Zambales.

Kasama siyang sumagupa sa mga Amerkano sa Subic. Sa Castillejos, napigil nang kaunti ng mga Pilipino ang sugod ng mga Amerkano. Kasama rin siya sa pagkatalo ng hukbo ni General Gregorio del Pilar sa mga labanan sa Bulacan na tumagal nang 25 araw, at sa pag-urong palayo sa Manila.

Sa Cabanatuan, Nueva Ecija, nakita niya ang bangkay ni General Antonio Luna bago ito ilibing, matapos patayin ng mga kawal ni General Emilio Aguinaldo.

Pagkatapos ng digmaan, ang mga Amerkano mismo ang kumilala sa kanyang pag-alaga sa mga sugatan at nasalanta ng digmaan, winangis ang kanyang kawang-gawa sa Red Cross, at nang itatag ang Philippine Red Cross sa ilalim ng mga Amerkano, si Trinidad ang hinirang na ‘Inang’ na nagsilang ng Red Cross sa Pilipinas.

Namatay nuon ang kanyang asawa, at bumalik si Trinidad sa dati niyang hanap-buhay, naglako ng carne sa mga kabayanan ng San Antonio at Talavera sa Nueva Ecija. Nag-asawa siyang muli, kay Doroteo Santiago, at nang mamatay ito, kay Francisco Empainado.

Pagtanda niya, tumira siya sa kabayanan ng San Isidro sa Nueva Ecija, kasama ang isa sa kanyang mga kapatid, si Isabel. Namatay siya sa gulang ng 80 taon nuong Enero 28, 1928, sa PGH o Philippine General Hospital. Buong pugay siyang inilibing sa Himlayan ng mga Bayani (Veterans Tomb) sa Cementerio del Norte (Manila North Cemetery).

Sa Biac-na-Bato, ipinakita uli ni Trinidad ang galing niya sa paglunas ng mga kailangan ng himagsikan. Pagkatapos ng bakbakan sa Baling Kupang laban sa mga Espanyol, bumalik ang hukbo ni General Makabulos sa Biac-na-Bato at duon, bumuo si Trinidad ng pangkat na nag-alaga sa mga maysakit at sugatan. Upang hindi kumalat ang mga sakit, ipinasunog niya ang mga nabubulok nang mga bangkay duon. Pagkatapos, inilibing niya mga bungo at buto na nalabi sa tinawag na ‘mga yungib ng tanggulan’ (cuevas fuerzas, defenders caves). Ang mga sugatan na inaalagaan niya ang nagsimulang tumawag sa kanya ng ‘Inang’ at, matapos kumalat sa Ilocos, Laguna at Batangas ang mga pangkat niyang nag-aruga sa mga sugatan, natanyag ang bansag sa kanya na ‘Inang sa Biac-na-Bato.’

Reference:http://www.elaput.org/tecson.htm

No comments:

Post a Comment