Thursday, April 23, 2009

MELCHORA AQUINO

MELCHORA AQUINO (1812 - 1919)

‘Ina Ng Katipunan’

ALING Sora ang tawag sa kanya nuong bata-bata pa, mula sa ‘Chora nuong siya ay musmos pa, at naging “Tandang Sora” nuong matanda na, nang siya ay naging isa sa mga dakilang bayani ng Pilipinas.

Hindi nakapag-aral si Chora, mula nang isilang nuong Enero 6, 1812, karaniwan sa mga babae nuong panahon ng Español, subalit natuto siyang bumasa. Ang kanyang mga magulang ay mga mahirap na magsasaka, sina Juan at Valentina Aquino, sa Banilad, Caloocan (dating bahagi ng lalawigan ng Rizal, ngayon ay isa nang lungsod). Nabantog si Chora sa kanilang puok, sa husay sa pag-awit sa simbahan at mga pagdiriwang sa paligid. Naging kabiyak niya si Fulgencio Ramos na pumanaw nuong ang pinaka-bunso, at ika-7 nilang anak, ay 7 taon gulang pa lamang. Polavieja

Matanda na si Melchora Aquino nang sumiklab ang himagsikan laban sa mga Español noong 1896. Sa kanyang tindahang sari-sari nagpulong nang lihim ang mga kasapi sa Katipunan at, pagsabog ng himagsikan, duon niya itinago, ginamot at inalagaan ang mga katipunerong nasugatan laban sa mga Español. Dahil dito, tinatawag siya ngayong “Ina ng Katipunan.”

Nang malaman ng mga Español ang gawain ni Tandang Sora, na siya ay tumutulong sa mga revolucionariong Pilipino, dinakip siya at, utos ni Governador General Camilo Polavieja, ipinatapon sa Marianas Islands (sa gitna ng Pacific Ocean, at daanan ng mga Español papuntang Pilipinas simula pa kay Ferdinand Magellan nuong 1521. Kilala ito sa Pilipinas bilang Guam, isa sa mga pulo duon na tahanan ngayon ng maraming Pilipino).

Nang nasakop ng mga Amerkano ang Pilipinas nuong 1898, nakauwi si Tandang Sora at iba pang Pilipino na ipinatapon ng mga Español. Namatay si Tandang Sora nuong Marso 2, 1919, nang 107 taon gulang na. Inilibing siya sa bakuran ng kanyang sariling tahanan, na ngayon ay isa nang libingang pambayan, at tinatawag na Himlayang Filipino.

Reference:http://www.elaput.org/tndnsora.htm

No comments:

Post a Comment