Friday, April 24, 2009

AGUEDA ESTEBAN


Agueda Esteban

Si Agueda Esteban (9 Pebrero 1868 – 1944) ay isang babaeng katipunero, na siyang tagabili ng bala at pulbura sa Maynila. Dinadala niya ito sa kaniyang asawa na noon ay nasa Cavite.

Pinag-ugatan

Si Esteban ay isinilang sa Binondo, Maynila. Siya ay ikalawang anak nina Ambrosio Esteban na tubong Ligaw, Camarines Sur, at Francisca de la Cruz ng Cainta, Rizal. Nanirahan ang kaniyang mga magulang sa Binondo pagkatapos ng kanilang kasal. Si Agueda at ang kaniyang mga kapatid ay tinuruan ni “Maestrang Bulag”, na isang tindera ng dahon ng ikmo at tabako. Dahil sa kahirapan, hindi na siya kayang pag-aralin ng kaniyang magulang. Naipagpatuloy ni Esteban ang pag-aaral sa tulong ni Doña Vicenta de Roxas. Sa paaralan, naging mahusay na estudyante si Esteban, na ikinatuwa ng kaniyang mga guro at ni Doña Roxas. Ikinasal si Esteban kay Mariano Barroga, na tubong Batac, Ilocos Norte, na isang mayordomo sa bahay no Doña Vicenta. Ang mag-asawa ay biniyayaab ng tatlong anak na sina Catalina, Adriana, at Anastacia.
Katipunero

Nang sumiklab ang aklasan laban sa mga Espanyol, sumali si Mariano na asawa ni Estaban sa Katipunan. Kilala si Mariano bilang tungkod, na responsable sa mga pag-atake sa mga kuta ng Espanyol sa San Juan del Monte, Montalban at Marikina. At nang inilipat si Mariano sa Tangos, Cavite, isinama niya ang kaniyang pamilya.

Bilang asawa ng isang Katipunero, si Esteban ay naging katuwang sa mga aktibidad ng kaniyang asawa. Sila ay bumabiyahe patungong Maynila, upang bumili ng mga materyales at mga bala na ginagamit ng mga Katipunero. Si Esteban ang siyang nagdadala ng mga gamit na ito, at kinailangan pa niyang umakyat at maglakbay ng malayo upang masiguro na makarating ang mga gamit sa mga Katipunero.
Panahon ng Amerikano

Nang magsimula ang pananakop ng mga Amerikano, si Esteban ang tagadala ng liham para kay Hen. Artemio Ricarte, na nagmula sa kaniyang asawa. Siya ang pinagkatiwalaang magdala ng mahahalagang dokumento at ng mga planong pag-atake sa mga instilasyon ng Espanyol. Ang kaniyang mga aktibidad ay hindi man lamang pinagsuspetsiyahan ng mga Espanyol dahil siya ay isang babae.

Lingid sa kaalaman ni Esteban, siya ay pinaghinalaan na ng mga Espanyol na nakikikutsaba sa mga Katipunero, kaya lihim na pinasusubaybayan ng mga awtoridad. Isang gabi, nagtungo ang mga kawal ng Espanyol sa bahay ni Esteban, at doon natuklasang may mga itinatagong granada sa loob ng bahay ni Esteban na kalimitan niyang dala sa kaniyang mga lakad. Masuwerteng wala noon sa kaniyang bahay si Esteban. At noong 1 Hulyo 1900, magkakasamang naaresto sina Esteban, Barroga at Ricarte sa Calle Anda. At Noong 16 Pebrero 1901, ang kaniyang asawa at iba pang rebolusyonaryo ay ipinatapon sa Guam. Si Estaban ay nanatili sa Maynila kasama ng kaniyang tatlong anak. Napilitang ipaampon sa Hospiscio de San Jose ang kaniyang mga anak dahil nahihirapan na siyang buhayin ang mga ito. Naiwan sa kaniya ang kaniyang anak na si Salud, at nagtinda na lamang ng alahas hanggang makabalik ang asawa. Nobyembre 1902 nang mamatay ang esposo niyang si Barroga, at nakapag-iwan pa ito ng isa pang anak na lalaki, na pinangalanang Artemio, bilang pagkilala kay Hen. Artemio Ricarte.

Huling yugto ng buhay

Noong 1910, nagtungo si Esteban sa Hong Kong upang dalawin si Heneral Ricarte, na noon ay nadestiyero sa ikalawang pagkakataon, matapos tumangging lumagda ng kasunduan sa mga Amerikano. At Mayo 1911, si Esteban at Heneral Ricarte ay nagpakasal at nanirahan sa isang isla ng Lemah. At nang magsimulang paalisin ng pamahalaang Briton ang mga pinatapong Filipinon sa Hong Kong, noong magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Esteban at ang kaniyang pamilya ay ipinadala sa Shanghai, bago nagtungo sa Japan. Noong 1921, ang pamilya ni Esteban ay lumipat sa Tokyo, at doon nagturo ng wikang Espanyol. At noong Abril 1923, muling lumipat sa Yokohama ang pamilya ni Esteban, at doon nanirahan at nagtayo ng maliit na kainan. Nanatili sila doon nang 18 taon, kasama ng kanilang anak at mga apo. Bumalik si Esteban sa Filipinas nang sakupin ito ng mga Hapones, at doon na rin siya namatay.

Sanggunian

• "Central Luzon and NCR: Agueda Esteban." Unsung Heroes of the Philippines Revolution - MSC Communications Technologies, Inc. http://www.msc.edu.ph/centennial/hero/ncr/page5.html (hinango noong 6 Marso 2008).
• Quirino, Carlos. Who's who in Philippine History. Maynila: Tahanan Books, 1995.
• [1] (hinango noong 6 Marso 2008).

http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Agueda_Esteban

Panlabas na kawing

• Kung nais ninyong mabása ang bersiyong Ingles nito, pindutin ang Agueda Esteban

No comments:

Post a Comment