Showing posts with label pangulo ng pilipinas. Show all posts
Showing posts with label pangulo ng pilipinas. Show all posts

Friday, April 24, 2009

GLORIA MACAPAGAL ARROYO

Gloria Macapagal Arroyo

Si Maria Gloria Macaraeg Macapagal-Arroyo, na mas kilala bilang Gloria Macapagal-Arroyo, (ipinanganak Abril 5, 1947) ay ika-labing apat at ang kasalukuyang pangulo ng bansang Pilipinas.
Pamilya

Ipinanganak siya noong Abril 5, 1947 sa San Juan, Kalakhang Maynila. Ang kanyang mga magulang ay ang ika-siyam na Pangulo ng Pilipinas, si Diosdado Macapagal at si Dra. Evangelina Macaraeg-Macapagal.

Noong Agosto 2, 1968, ikinasal siya sa abogadong si Jose Miguel T. Arroyo na nagtapos sa Ateneo Law School noong 1972. May tatlo silang mga anak:

• Juan Miguel (ipinanganak Abril 26, 1969) — nagtapos ng Diploma in Business Administration sa University of California, Berkeley

• Evangelina Lourdes (Hunyo 5, 1971) — nagtapos ng MS in Foreign Service sa Georgetown University

• Diosdado Ignacio (ipinanganak Setyembre 4, 1974) nagtapos ng BS in Legal Management, sa Ateneo de Naga

Ekonomiya

Ipinatupad niya ang Expanded Value Added Tax (E-VAT) na kung saan pinatawan ng 12% na buwis ang mga bilihin. Nagpatupad din siya ng repormang pang-lupa upang mapalakas ang industriyang agrikultura.

JOSEPH ESTRADA

Joseph Estrada

Si Jose Marcelo Ejercito Estrada (ipinanganak Abril 19, 1937), kilala bilang Erap, ang ikasiyam na pangulo ng Republika ng Pilipinas o ika-13 simula noong Unang Republika.

Ipinanganak siya sa Tondo, Maynila. Anak siya nina Emilio Ejercito na isang inhinyero at si Maria Marcelo.

Pinasok ni Estrada ang larangan ng politika noong 1967 nang mahalal siya bilang Alkalde ng San Juan, Kalakhang Maynila. Noong 1971, pinarangalan siya bilang "Outstanding Mayor and Foremost Nationalist" ng Inter-Provincial Information Service at ng sumunod na taon bilang "Most Outstanding Metro Manila Mayor" ng Philippines Princetone Poll.

Kabilang siya sa mga alkalde na sapilitang inalis nang humalili si Corazon C. Aquino bilang pangulo ng Pilipinas pagkaraang napatalsik Ferdinand E. Marcos sa pwesto noong Pebrero 25, 1986 sa pamamagitan ng People Power Revolution.

Tumakbo si Estrada sa ilalim ng partidong Grand Alliance for Democracy at matagumpay na nahalal sa Senado ng Pilipinas (Ika-walong Kongreso). Nahirang siya bilang Chairman of the committees on Cultural, Rural Development, and Public Works. Siya rin ay naging Vice Chairman of the Committees on Health, Natural Resources and Urban Planning. Kabilang sa mga panukalang batas na isinulong nya ay yaong ukol sa agrikultura, mga proyektong irigasyon sa pagsasaka at pagpapalawig at pag-protekta sa kalabaw. Noong 1989, tinanghal siya ng Philippine Free Press bilang isa sa “Three Outstanding Senators of the Year”. Isa si Estrada sa mga senador na tumangging sang-ayunan ang bagong tratado ng US Military Bases na papalit sana sa 1947 Military Bases Agreement na nakatakdang magwakas noong 1992.

Nakatulong nang malaki sa pagkakapanalo niya bilang Bise Presidente ang kaniyang popularidad bilang aktor noong halalan ng Panguluhan at Pangalawang Panguluhan noong 1992, bagama't siya ay tumatakbo sa hiwalay na tiket ng noon ay nanalong Pangulo, Fidel Ramos. Bilang Pangalawang Pangulo, pinamahalaan ni Estrada ang Komisyon Laban sa Krimen (Presidential Anti Crime Commission) mula 1992 hanggang 1997.

FIDEL V. RAMOS


Fidel V. Ramos

Si Fidel V. Ramos (ipinanganak Marso 18, 1928) ang ikawalong pangulo ng ikatlong Republika ng Pilipinas (Hunyo 30, 1992 - Hunyo 30, 1998). Isinilang siya noong Marso 18, 1928 sa Lingayen, Pangasinan. Panganay siya sa tatlong anak nina Narciso Ramos at Angela Valdez.

Nagtapos siya sa United States Military Academy sa West Point noong 1950. Kumuha rin siya ng civil engineering sa University of Illinois.

Bumalik siya sa Pilipinas noong 1951 at naging heavy weapon platoon leader ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ipinadala rin siya sa mga digmaan ng Korea at Vietnam.
Inatasan siyang maging pinuno ng Philippine Constabulary noong 1972, hepe ng Integral National Police noong 1975, at pangalawang pinuno ng Sandatahang Lakas noong 1981. Noong 1983, pansamantala niyang pinalitan si Fabian Ver, pinuno noon ng Sandatahang Lakas, nang ito ay masangkot sa pagkakapaslang sa lider-opososyon si Benigno S. Aquino Jr.

Noong 1986, tinangkaang agawin ni Ferdinand Marcos ang pagkapanalo ni Corazon Aquino, balo ni Benigno Aquino, sa halalang pangpanguluhan. Nakiisa si Ramos kay Juan Ponce Enrile, noong kalihim ng Tanggulang Pambansa, sa pagkubkobsa mga himpilan ng sandatahang lakas. Ang sumunod dito ay tinaguriang People Power Revolution na nagtulak kay Marcos na lumikas patungong Estados Unidos. Naluklok si Aquino sa pagkapangulo. Ginawang ni Aquino na hepe ng sandatahang lakas si Ramos. Pagkaran ng dalawang taon, si Ramos ay naging kalihim na Tanggulang Pambansa.

Noong 1992, tumakbo siya at nanalong pangulo ng bansa. Bilang pangulo, naging priyoridad niya ang pagsasaayos sa estruktura ng pamahalaan, na nagbigay ng karagdagang kapangyarihan sa pamahalaang lokal. Hinikayat niya ang dayuhang pamumuhunan, lalo na sa turismo, na naging bahagi ng kanyang programa para sa kaunlaran.

Si Fidel V. Ramos ay kasal kay Amelita Martinez at mayroon silang limang anak na babae.

CORAZON C. AQUINO

Si María Corazón Sumulong Cojuangco-Aquino (Enero 25, 1933- ) na lalong mas kilala sa palayaw na Cory ay ang ikapitong pangulo ng Republika ng Pilipinas at kauna-unahang naging babaeng pangulo ng Pilipinas (Pebrero 25, 1986–Hunyo 30, 1992). Ipinanganak siya sa Tarlac kina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong. Nakapag-aral siya sa Estados Unidos at nakapagtapos nang may digri sa Wikang Pranses. Siya ay kabiyak ni Benigno Aquino, Jr. ("Ninoy"), ang pinaslang na lider ng oposisyon noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Nailuklok siya sa pamamagitan ng isang mapayapang rebolusyon (Unang Rebolusyon sa EDSA) noong Pebrero 25, 1986 at ibinalik niya ang demokrasya sa bansa.

FERDINAD E. MARCOS

Ferdinand Edralin Marcos

Si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos (Setyembre 11, 1917 - Setyembre 28, 1989) ang ika-10 Pangulo ng Pilipinas na nanungkulan mula 1965 hanggang 1986. Siya ay isang abugado, kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan mula 1949 hanggang 1959 at kasapi ng Senado ng Pilipinas mula 1959 hanggang 1965. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, siya ay naging lider-gerilya sa hilagang Luzon. Noong 1963, siya ay naging Pangulo ng Senado kapalit ni Senador Eulogio Rodriguez, Sr.. Bilang Pangulo ng Pilipinas, kahanga-hanga ang kanyang mga nagawa sa larangan ng diplomasya at pagpapagawa ng mga mahahalagang imprastraktura sa bansa. Ngunit, ang tagumpay ng kanyang pangasiwaan ay nabahiran ng talamak na katiwalian, paniniil sa karapatang pantao, at panunupil sa oposisyon. Bumagsak ang kanyang pamunuan sa Rebolusyon sa EDSA na naganap noong 1986.

Bilang isang sundalo

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumapi si Marcos sa United States Army Forces in the Far East bilang combat intelligence officer ng 21st Infantry Divison. Siya ay lumaban sa pagtatanggol ng Bataan laban sa mga Hapones at naging isa sa mga biktima ng Death March. Siya ay kinulong at pinalaya ng mga Hapones sa Capas ngunit siya ay muling dinakip, kinulong at pinahirapan sa Kuta Santiago. Nakatakas si Marcos at itinatag ang kilusang gerilya sa Hilagang Luzon, ang "Maharlika". Siya ay kinilala bilang isa sa mga magagaling na lider ng mga gerilya sa Luzon at ang kanyang diumano’y pinakahanga-hangang katapangawang-gawa ay sa Labanan sa Pasong Besang.

Bilang isang pulitiko

Pagkaraan ng digmaan at pagtatag ng Republika ng Pilipinas, hinirang ni Pangulong Manuel Roxas si Marcos bilang special technical assistant. Noong 1949, siya ay tumakbo at nagwagi bilang kinatawan ng Ilocos Norte sa Kongreso. Noong 1954 nakilala niya si Imelda Romualdez, ang "Rosas ng Leyte" at pamangkin ng Ispiker Daniel Romualdez, na naging kaisampalad niya pagkatapos ng isang madaliang panliligaw.

Noong 1959 siya ay tumakbo at nanalo bilang Senador na may pinakamalaking boto. Noong 1961, naging Pangulo si Marcos ng Partido Liberal (Liberal Party) at makalipas ng isang taon, siya ang naging Pangulo ng Senado.

Matagal na panahong naging kasapi si Marcos ng Partido Liberal . Hiningi niya ang nominasyon ng partido bilang kandidato sa pagka-pangulo noong 1964, ngunit ang kasalukuyang pangulo na si Diosdado Macapagal ang pinili ng partido. Tumiwalag si Marcos sa Partido Liberal at lumipat siya sa Partido Nacionalista, kung saan nakuha niya ang kanilang nominasyon. Nanalo siya at si Fernando Lopez, ang kandidato ng Partido Nacionalista sa pagka-pangalawang pangulo, laban kay Macapagal at Gerardo Roxas sa isang "landslide victory".

Mga Nagawa:

Marami at lubhang kapaki-pakinabang ang mga nagawa ng Pangulong Marcos sa mga unang apat na taon ng kanyang panunungkulan. Ang mga ito'y ang sumusunod:
1. Ang pagpapanibagong-ayos ng may 2,000 malalaki at malilit na industriya;
2. Pagsugpo sa katiwalian at kasamaan sa pamahalaan;
3. Pagpapaunlad ng mga baryo na sa unang pagkakataon sa kasaysayan nabigyan ng tiyak na kaparti sa kinikita ng pamahalaan;
4. Pagpapatayo ng higit sa 80,000 silid-aralan at higit sa 6,000 kilometro ng mga lansangan (kabilang na ang unang phase ng North Diversion Road mula Balintawak hanggang Tabang sa Bulacan);
5. Ang pagpapatayo o rehabilitasyon ng pamamaraan ng mga patubig, o irigasyon na ang ang kabuuang bilang nito'y nakakahigit sa lahat ng patubig na naitayo sapul sa panahon ng mga Kastila noong 1565 hanggang sa pangasiwaang kanyang sinundan;
6. Ang pagsisimula ng Green revolution at pagkakaroon ng 'mapaghimalang palay' o "miracle rice';
7. Ang puspusang pagsasakatuparan ng reporma sa lupa;
8. Ang pagpapalakas ng kilusang kooperatiba sa isang pambansang sukatan;at
9. Ang muling pagpapasigla at pagtangkilik sa sining at kulturang sariling atin sa pamamagitan ng pamamahala ng Unang Ginang Imelda Marcos.

CARLOS P. GARCIA


Carlos P. Garcia

Si Carlos P. Garcia (Nobyembre 4, 1896 - Hunyo 14, 1971) ay isang Pilipinong makata at pulitiko. Naging pangalawang pangulo at miyembro ng gabinete ni Ramon Magsaysay si Garcia. Nanumpa siya bilang pangulo nang mamatay si Magsaysay. Kilala si Garcia kanyang pagpapatupad ng Filipino First Policy.

Talambuhay

Carlos Polestico Garcia (1896-1971), presidente ng Republika ng Pilipinas noong 1957 hanggang 1961. Isinilang si Garcia noong Nobyembre 4, 1896 sa Lungsod ng Talibon, Bohol sa Kapuluan ng Kabisayaan sa Kalagitnaang Pilipinas. ang kaniyang mga magulang ay sina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Nag-aral siya sa Silliman University at Silliman Institute, sa lungsod ng Dumaguete, at kinalaunan nagtapos din siya ng abogasya sa Philippine Law School noong 1922 sa Maynila. Naging abogado at guro, pinasok niya ang politika noong 1926 bilang mambabatas na kaanib sa Kapulungan ng mga Kinatawan (Philippine House of Representatives) at naglingkod hanggang 1932. Si Garcia ay naging gobernador ng Bohol, isang probinsiya sa Katimugang Pilipinas, mula 1932 hanggang 1942, at naging miyembro ng Senado mula 1942 hanggang 1953. Noong Ika-II Digmaang Pandaigdig (1939-1945), lumaban siya sa pananakop ng mga Hapon bilang miyembro ng mga gerilya na nakabase sa Bohol. Noong 1946 ay naging puno siya ng minoriya sa Senado.

Noong 1953 si Garcia ay nanombrahan bilang bise presidente na kabilang sa Tiket Nasyonalista na pinangunguluhan ni Ramon Magsaysay, isang politikong Pilipino na bumuo at namuno sa isang pwersang guerilla na lumaban sa pananakop ng mga Hapones. Nakamit nila ang mapagpasyang tagumpay, at noong 1954, si Garcia ay naging bise presidente at Kalihim ng Suliraning Panlabas.

Noong Marso 1957 si Garcia ay naging presidente matapos pumanaw si Magsaysay sa isang aksidente sa eroplano, at nagwagi rin siya sa Halalan ng Panguluhan noong Nobyembre 1957.
Habang nasa kapangyarihan, ang Pamahalaan ni Garcia ay nakipag-usap sa mga pinuno ng Bansang Amerika upang mailipat sa kontrol ng Pilipinas ang mga hindi na ginagamit na Base Militar ng Amerika. Sa kalaunan ay naging labis ang pagiging maka-Pilipino ni Garcia at ang pagsira sa kanya ay pinasimulan sa mga pahayagan.

ELPIDIO QUIRINO

Elpidio Quirino

Si Elpidio Quirino (Nobyembre 16, 1890—Pebrero 29, 1956) ay isang pulitiko at ang ikaanim na pangulo ng Pilipinas. Nagsilbi siya mula Abril 17, 1948 hanggang Disyembre 30, 1953.
Isinilang si Quirino sa Vigan, Ilocos Sur Noong Nobyembre 16, 1890 kina Mariano Quirino at Gregoria Rivera. Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines) noong 1915.

Nahalal sa Kongreso noong 1919. Hiniram na Kalihim ng Pananalapi ni Gob. Hen. Murphy noong 1934 at naging kasapi ng "Constitutional Convention". Naging pangalawang pangulo siya ni Manuel Roxas noong 1946. At nanumpa bilang Pangulo pagkaraang mamatay si Roxas noong Abril 17, 1948. Kinaharap ng administrasyong Quirino ang isang malubhang banta ng kilusang komunistang Hukbalahap. Pinasimulan niya ang kampanya laban sa mga Huk. Bilang Pangulo, muli niyang itinayo ang ekonomiya ng bansa, pinaunlad niya ang pagsasaka, at mga industriya.
Tinalo ni Ramon Magsaysay sa kanyang ikawalang pagtakbo bilang pangulo. Namatay siya sa atake sa puso noong Pebrero 29, 1956 sa gulang na 66.

Siya ang unang Ilokanong pangulo.

RAMON MAGSAYSAY

Ramon Magsaysay

Si Ramon Magsaysay (Agosto 31, 1907 – Marso 17, 1957) ang ikatlong pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas mula Disyembre 30, 1953 hanggang sa kanyang kamatayan.

Si Magsaysay ay isinilang sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 kina Exequiel Magsaysay at Perfecta del Fierro. Nag-aral sa Pamantasan ng Pilipinas at Jose Rizal College.

Naglingkod siya bilang manedyer ng Try-Tran Motors bago magkadigma. Nang bumagsak ang Bataan inorganisa niya ang "western Luzon Guerilla Forces" at pinalaya ang Zambales noong 1945. Noong 1950, bilang kalihim ng Pagtatanggol kaniyang binuwag ang pamunuan ng mga Hukbalahap. Pinigil niya ang panganib na lilikhain ng pulahang Komunista at naging napakatanyag sa mamamayan. Noong eleksyon ng 1953, tinalo niya si Quirino at naging ikatlong pangulo ng republika. Ang kanyang pangalawang pangulo ay si Carlos P. Garcia.

Iniligtas ni Pangulong Magsaysay ang demokrasya sa Pilipinas. Ito ang kanyang pinakamahalagang nagawa. Pinigil niya ang paghihimagsik ng Huk o ng komunista. Si Luis Taruc, Supremo ng Huk o ang pinakamataas na lider ng komunista, ay sumuko sa kanya. Kaya si Magsaysay ay tinawag na "Tagapagligtas ng Demokrasya".

Siya ang pinakamamahal na Pangulo ng Pilipinas dahil ibinalik niya ang tiwala ng pamahalaan. Subalit nagwakas ito ng mamatay siya dahil sa isang plane crash sa isang bundok sa Manunggal, Cebu noong Marso 17, 1957.