MARINA DIZON (1875 - 1950)
Isa Sa Mga Unang ‘Katipunera’
NASA DUGO ang pagka-bayani, isinilang si Marina Dizon nuong Julio 19, 1875 sa Trozo, Manila. Ama niya si Jose Dizon, isa sa ‘13 martires’ na binitay ng mga Español nuong Himagsikan ng 1896-1898. Namatay ang kanyang ina, si Roberta Bartolome, nuong 8 taon gulang lamang si Marina, at naging ina-inahan niya si Josefa Dizon, ang kanyang tiahin at ina ni Emilio Jacinto, ang ‘utak’ ng Katipunan at dakilang bayani ng Pilipinas.
Una siyang nag-aral kay ‘Maestro Tony’ Timoteo Reyes, bago pumasok sa paaralang bayan at naturuan nina Aniceta Cabrera at Guadalupe Reyes. Nahilig siya sa bayang kalikasan (natural geography) at kasaysayan (history). Sinulsulan din siyang mag-aral ng musica at pagpinta, at nahasa siya sa pagtalumpati (declaimer), pag-awit (singer) at pagtutog sa violin (violinist). Sumali siya sa Trozo Comparsa rondalla (string band).
Hinangad niya maging guro subalit sinaway siya ng kanyang ama. Isa sa mga nakasabay niyang nag-aral si Jose Turiano Santiago.
Matikas nang dalaga si Marina nang lihim siyang sumanib sa Katipunan nuong 1893, isang taon pagkatapos itatag ito ni Andres Bonifacio, sa tulong ng pinsan niya, si Emilio.
Tulad din ni Emilio, sumapi si Marina sa mga Mason (freemasons), at napabilang sa Logia de Adopcion (Adoption lodge, bahay-ampunan) upang hindi matutop at paghinalaan ng mga Español.
Subalit ang mga ‘ampon’ sa katotohanan ay mga tanod na nagbantay tuwing magpulong ang mga Katipuneros upang magbabala pagdating na guardia civil. Minsan-minsan, nagsayaw pa sila paminsan-minsan sa harap ng mga guardia upang hindi maghinala ang mga ito. Tiktik din sila nagmanman sa mga tangka at gawa ng Español.
Si Emilio ang nagdala sa kanya isang gabi sa bahay ni Restituto Javier sa Oroquieta, Binondo, at kasabay niyang nasapi sa Katipunan ang 2 kapatid na babae ni Jose Rizal, sina Josefa at Trinidad. Sumapi din nuong gabing iyon ang mga pamangkin ni Rizal, sina Delfina Herbosa at Angelica Rizal Lopez. Tumulong sila kay Gregoria de Jesus, ang asawa ni Andres Bonifacio, upang itatag ang pang-babaing bahagi ng Katipunan. Si Marina ang nahirang na kalihim (secretary).
Nanguna si Marina sa pagganap ng mga gawain para sa himagsikan, pati ang pagligid upang makaipon ng salapi. Naghikayat at nagpasok si Marina ng iba pang babae sa Katipunan.
“Huwag kayong masindak,” payo niya sa mga babae, “maghanda kayong ma-viuda at maulila. Magpaka-tatag kayo at magpatuloy sa gawain.” Sa Katipunan, nakita ni Marina ang isa pang kasapi, si Jose Turiano Santiago, ang kababata at dati niyang kamag-aral, at nuong 1894, kinasal sila. Masaya ang unang 2 taon ng kanilang pagsasama, kahit na panay ang pag-usig at pagsiyasat sa kanila ng mga Español.
Nang matuklasan ang Katipunan nuong Agosto 1896, tumakas silang mag-asawa at nagtago kung saan-saan subalit nadakip ng mga Español ang ama ni Marina, si Jose Dizon.
Ang ama ay ipinabaril ng mga Español nuong 1897. Nuong Agosto ng taon ding iyon, dinakip din si Jose Santiago, ang asawa ni Marina, at kinulong. Minsan, muntik ring mahuli si Marina ng mga guardia civil. Napilitan siyang sunugin, sa casillas ng isang estacion ng tren, ang mga kasulatan ng Katipunan na dala-dala niya. Hindi siya dinakip subalit minanmanan siya nang mahigpit. Ipinagbili niya ang mga ari-arian upang magkaruon ng salaping pangsuhol sa mga guardia sa kulungan, at payagan siyang dalawin ang asawa.
Pinalaya si Santiago, ang asawa, pagkaraan ng isang buwan, nuong Septiembre 11, 1897. Nang pumasok ang mga Amerkano at nagka-digmaan nuong 1899, tumakbo sina Marina sa Meycauayan, Bulacan. Nang humupa ang bakbakan, lumipat sila sa Tarlac. Nagtuloy si Marina sa Bamban, bumalik naman si Santiago sa Manila at naghanap-buhay bilang tuos-yaman (contador, accountant). Napaghinalaan si Santiago at napilitan siyang tumakas sa Hongkong. Naiwan si Marina upang alagaan ang kanilang malaking familia.
Pagkaraan ng digmaan, nagbalik si Santiago at tahimik silang namuhay hanggang nuong pagsakop ng mga Hapon. Nasangkot si Santiago sa paglaban sa mga dayuhan. Dinakip siya at pinatay ng mga Hapon.
Natagalan ni Marina ang panahon ng Hapon at tahimik siyang namatay sa Caloocan, kapiling ng anak niyang babae na walang asawa, nuong Octobre 25, 1950.
Ang mga pinagkunan:
www.codewan.com.ph/salidumay/corner/ articles/c2002_1122_01.htm
Marina Dizon-Santiago, by Lilia Quindoza Santiago, Tales of Courage and Compassion, Stories of Women in the Philippine Revolution, www.geocities.com/sinupan/Dizon-SanM.htm, http://www.elaput.org/madizon.htm
Thursday, April 23, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment