Friday, April 24, 2009

GRACIANO LOPEZ JAENA


GRACIANO LOPEZ JAENA

‘Principe’ Ng Propaganda

DUKHA ang mga magulang nang isilang si Graciano Lopez-Jaena sa Jaro, Iloilo, nuong Deciembre 18, 1856. Ang ina niya, si Maria Jacoba Jaena, ay isang mananahi lamang habang ang ama, si Placido López, ay hamak na taga-kumpuni ng kahit ano na lamang. Subalit nagkapag-aral nang kaunti si Placido samantalang lubhang matimtiman si Jacoba kaya tatag sa pag-aaral at sa pagsamba ang tinubuan ni Graciano. Anim na taon si Graciano nang ipadala ng mga magulang kay Fray Francisco Jayme upang maturuan. Agad napansin ng frayle ang dunong ni Graciano at ang galing niyang magsalita.

Seminarista. Kasalukuyang naglalabanan nuon sa España ang mga mapagpalaya (liberals) at mga makaluma (conservatives). Nagkataong nanaig nang ilang taon ang mga mapagpalaya, umabot sa Pilipinas nang dumating si Carlos de la Torre bilang governador general (1869-1871) ng makalumang pamahalaan sa Manila. Isa sa mga makabagong palakad niya ay ang padamihin ang mga pari na katutubo (indios, natives). Isa sa mga nabuksan ay ang Seminario de San Vicente Ferrer sa Jaro. Pangarap ng ina na maging pari si Graciano kaya sinamantala ang pagbukas ng seminario at duon ipinadala ang binatilyo. Uli, natanyag siya duon sa dunong at husay magsalita. Habang nag-aaral, nagsilbi si Graciano bilang kalihim ng kanyang tio, si Claudio Lopez, na pang-2 sugo (vice consul) ng Portugal sa Iloilo.

Manggagamot. Labag sa nais ng ina, hangad ni Graciano na maging manggagamot (medico, physician). Nang sa wakas ay pumayag ang mga magulang, tinangka niyang pumasok sa Universidad de Santo Tomas sa Manila subalit tinanggihan siya. Hindi kasi siya nakatapos ng bachelor of arts na hindi itinuro sa seminario sa Jaro. Sa halip, ayon sa payo sa kanya, sa ospital ng San Juan de Dios siya nagsilbi bilang turuan (apprentice) ng mga manggagamot duon. Hindi pa tapos ang pag-aaral ni Graciano nang naubos ang tustos ng dukhang mga magulang, at napilitan siyang bumalik sa Iloilo. Ginamit niya kung ano na lamang ang natutunan, nanggamot sa mga barrio at baranggay sa pali-paligid.

Manunulat. Sa kanyang mga namasdan, lalong sumidhi ang puot niya sa lupit ng pag-api ng mga frayle sa mga tao. Nuong 1874, nang 18 taon gulang lamang, nakainitan na siya ng mga frayle dahil sa sinulat niyang “Fray Botod,” frayleng bundat na matakaw at mahilig sa babae.

“Lagi nang banggit ang Dios at Mahal na Birhen samantalang panay ang daya at pagsamantala sa mga tao.”

Hindi ito nalathala kailanman subalit maraming sipi (copias, copies) ang umikot-ikot sa Visayas. Lalong napuot ang mga frayle kay Graciano nang patuloy siyang kumalampag (campaña, campaign) ng katarungan para sa mga tao. Talagang nagpahamak siya nang patayin ng Español na alcalde ng Pototan ang ilang bilanggong katutubo. Pinilit, tumanggi si Graciano na ipahayag na “natural” ang pagkamatay ng mga bilanggo. Nagsimula siyang tumanggap ng babala na papatayin siya ng mga frayle. Nuon siya tumakas sa España.


La Solidaridad
Ang ‘Kilusang Ilustrado’

ANG mga ‘naliwanagan’ (ilustrados, the enlightened), mga anak-mayaman na nag-aaral sa España o tumakas mula sa pag-usig ng mga frayle sa Manila, ang nagtatag ng ‘La Solidaridad’ (Solidarity, Ang Pagkakaisa), sa pasimula nina Mariano Ponce at Pablo Rianzares. Ang unang patnugot (editor) ay si Graciano Lopez Jaena.

Mula sa padalang salapi ng Junta de la Propaganda ng mga ilustrados sa Manila, pinamunuan ni Deodato Arellano, nilimbag tuwing ika-2 linggo ang La Solidaridad sa Barcelona nuong una, tapos sa Madrid, mula nuong Febrero 15, 1889. May iba pang pahayagang maka-Pilipino na ipinuslit patago sa mga frayle, gaya ng El Renacimiento, La Independenda at La Vanguardia, subalit ang La Solidaridad ang naging pinaka-tanyag dahil kay Lopez Jaena, ang pinaka-bantog na ilustrado nuon.

Silang tatlo nina Marcelo del Pilar at Jose Rizal ang naging sagisag ng kilusang ilustrado (propaganda movement). Ang kanilang mga panulat, sa lagdang ‘Plaridel’ ni Del Pilar at ‘Laon Laan’ ni Rizal, ang nagtanghal sa Solidaridad.

Nagpatanyag din ang mga sulat ni Antonio Luna sa ngalang ‘Taga Ilog,’ ni Mariano Ponce bilang ‘Tigbalang,’ ni Jose Maria Panganiban bilang ‘JoMaPa,’ pati nina Eduardo de Lete, Isabelo de los Reyes, Jose Alejandrino at Pedro Paterno.

Bantog na si Lopez Jaena, unang dumating kina Del Pilar at Rizal sa España, dahil sa sinulat niyang “Fray Botod.” Halos bayani na rin ang turing kay Del Pilar nang dumating nuong Enero 1889 dahil sa pagharap niya kay governador general Federico Lobation sa Malacañang nuong Marso 1, 1888 upang hilingin na palayasin lahat ng frayle mula sa Pilipinas.

Biglang sikat si Del Pilar pagdating sa Barcelona dahil siya ang sugo ng Junta de la Propaganda (propaganda committee) ni Deodato Arellano, at dala niya ang salapi na tustos ng Junta sa paglimbag ng Solidaridad.

Inggitan sa pagka-sikat, at pagkakaiba ng layunin ang nagwatak sa kilusang ilustrado. Hangad nilang lahat na mabuklod ang mga Pilipino bilang mamamayan (citizen) ng España, nang magkaruon ng mga karapatang kapantay ng mga Español. Subalit nais ng maraming ilustrado na banayad at unti-unti ang gawing pagbuti sa mga tao, samantalang layunin ng iba, tulad ni Del Pilar, na agad at biglang baguhin ang patakbo sa Manila.

Kaisa-isa, pinasiya ni Rizal na walang bisa ang mga panawagan nila sa España, at dapat sa Pilipinas itaguyod ang kilusang ilustrado na tatawagin niyang ‘La Liga Filipina.’

Sa pagwawalay ng mga ilustrado, at paglaho ng tustos mula Manila, nagsara ang ‘La Solidaridad,’ huling nilimbag nuong Noviembre 15, 1895 sa Madrid, nang si Del Pilar na ang patnugot.

Takas. Nuong 1880 dumating sa España si Graciano at nakahabilo sa iba pang mga ilustrado sa Madrid at sa mas maluwag na Barcelona. Pumasok siya sa Universidad de Valencia subalit hindi niya tinapos ang pag-aaral ng medicina sapagkat, sabi niya kay Jose Rizal, “Hindi angkop sa alipin ang balabal ng isang manggagamot.” Sunod sa kalampag ni Gregorio Sancianco, ang unang propagandist nuong 1891, sumulat na lamang siya sa mga pahayagan upang mabigyan ng mga karapatan ang mga katutubo sa Pilipinas. Nabantog siya sa galing ng kanyang mga talumpati, mahigit 1,000 sa iba’t ibang bahagi ng España bagaman at 9 lamang ang nailathala at buo pa hanggang ngayon. Ayon kay Mariano Ponce, palakpakan, hiyawan at daupang-palad (apretones, handshakes) lahat ng nakarinig kay Graciano at binansagan siyang “Principe de Oradores Filipinos” (Prince of Filipino Orators, principe ng mga manulumpating Pilipino).

Dapat asahan lamang na siya ang tinanghal na patnugot (editor) nang simulan ang pahayagang “La Solidaridad” sa Barcelona nuong 1889 upang bigyan tinig ang panawagan ng mga ilustrado. Katulong niyang sumulat si Marcelo del Pilar, dumating nuong Enero 1889 patakas mula sa higanti ng mga frayle sa Manila matapos niyang hilingin (petition) sa Malacañang na palayasin lahat ng frayle sa Pilipinas. Nagpadala rin ng mga ulat si Rizal mula sa London, England, kung saan niya tinatapos ang kanyang mga kuro sa “Sucesos de las Islas Filipinas” ni Antonio de Morga, at ang kanyang pang-2 novela, “El Filibusterismo.”

Manulumpati. Pagbalik ni Rizal sa Barcelona nagsimula ang hinanakitan nila ni Graciano at Marcelo del Pilar. Ibinuhos ni Graciano lahat ng kanyang panahon sa talumpati at politica, “ang dalawa niyang pag-ibig,” ayon kay Rizal, at nang ilipat ang “La Solidaridad” sa Madrid, si Del Pilar ang pumalit na patnugot. Inalok ito ni Del Pilar kay Rizal upang hindi malansag ang kilusang ilustrado (propaganda movement) subalit buo na ang pasiya ni Rizal na bumalik sa Pilipinas upang tulungan ang mga magulang na kasalukuyang inaapi ng mga frayleng Dominicano nuon, at upang duon, hindi sa España, isugid ang pagbuti sa mga Pilipino.

Napilitan ding bumalik sa Manila si Graciano, nagpanggap sa pangalang Diego Laura, upang himukin ang mga makabayan (patriots) duon na ipagpatuloy at dagdagan ang tustos sa kilusan sa España, nabawasan tapos lubusang natigil dahil sa pag-usig ng mga frayle sa Pilipinas. Natuklasan ang balatkayo ni Graciano at napilitan siyang tumakas sa Hongkong, bago tumuloy uli sa España. Ipinagpatuloy niya ang politica at talumpati subalit, salat sa tustos mula Manila, naghirap siya at nagkasakit ng tuberculosis dahil sa gutom at ginaw. Namatay siya nuong Enero 20, 1896, mahigit 7 buwan lamang bago sumabog ang himagsikan ng Katipunan ni Andres Bonifacio. Ang kanyang pagyao, sinundan ng pagkamatay ng naghirap ding Del Pilar nuong sumunod na Julio 4, ang naging katapusan ng kilusang ilustrado.

Ang pinagkunan
Graciano Lopez Jaena, by Dr. Robert L. Yoder, FAPC, Austrian-Philippine Website, APSIS Editor Johann Stockinger, www.univie.ac.at/Voelkerkunde/apsis/aufi/history/jaena.htm
Graciano Lopez Jaena, An Online Guide About the Philippine History, www.geocities.com/CollegePark/Pool/1644/jaena.html
Graciano Lopez Jaena, Global Pinoy, www.globalpinoy.com
Graciano Lopez Jaena (1856-1896) Philippine National Heroes, park.org/Philippines/centennial/heroes04.htm
Ilang Pangunahing Manunulat na Pilipino, Mula sa Librong Bayanihan 2 ni Priscila B. Dizon, www.seasite.niu.edu/Tagalog/modules_in_Tagalog/mga_kilalang_pilipino.htm
José Rizal and the Challenge Of Philippines Independence, by John D. Morris, The Schiller Institute, www.schillerinstitute.org/educ/hist/rizal.html
La Solidaridad, media museum, www.comcentrum.ph
http://www.elaput.org/jaena01.htm

1 comment: