Friday, April 24, 2009

PEDRO LADIA

PEDRO LADIA

Ang Rajah Ng Mga Tagalog

WALONG taon matapos nilang agawin ang Manila mula kay Rajah Soliman at Rajah Matanda, pinasok ng mga Español nuong 1580 ang munting nayon ng Li Han, pinalitan ng ‘Malolos’ ang pangalan, at sinakop ang mahigit 4,000 mamamayan duon. Sa mga sumunod na taon, marami at madalas ang aklasan ng mga tao laban sa pagsakop ng mga Español sa pali-paligid ng magiging lalawigan ng Bulacan subalit tahimik at nanatiling masunurin ang mga taga-Malolos hanggang nuong 1643.

Naligalig ang mga taga-Malolos sa pag-amuki ng isang taga-Borneo, si Pedro Ladia, na itiwalag ng mga tao ang mga Español. Ipinagmalaki ni Ladia na ka-angkan at tagapagmana siya ni Rajah Laja, ang tinawag na Rajah Matanda, at siya ang dapat maghari sa mga Tagalog. Masugid at lihim na hinikayat ni Ladia ang mga tao, sinaliwan ng pag-inom ng alak at pananalangin sa mga anyito at mga dating diwata ng mga katutubo. Dumami ang mga nakinig kay Ladia at nagsimula siyang kumilos at tawagin ang sarili ng ‘Rajah ng mga Tagalog.’


Natunugan ng pari sa Malolos, si Cristobal Enriquez, isang frayleng Augustinian, ang sanhi ng pagkabalisa sa nayon nang magsumbong ang ilang taga-Malolos sa kumpisalan ng simbahan tungkol sa mga pakana ni Ladia. Katulong ang mga Español at mga katutubong ‘guardias’ sa nayon, lihim niyang ipinadakip si Ladia. Dinala nila sa Manila at duon binitay si Ladia. Tahimik na muli ang Malolos pagbalik duon ni Fray Enriquez.

Ang pinagkunan
The Philippine Islands, 1493-1898,
by Emma Helen Blair and James A. Robertson, Manila, 1903-1909,
Bank of the Philippine Islands, commemorative CD re-issue, 1998

No comments:

Post a Comment