Si Claro M. Recto ay isang politiko sa Pilipinas.
Kasaysayan
Kilala bilang Don Claro, siya ay isinilang siya sa Tiaong, Tayabas (ngayon ay Quezon) noong Pebrero 8, 1890 subalit lumaki sa Lipa, Batangas. Ang kanyang mga magulang ay sina Claro Recto Sr. at Micaela Mayo, kapwa taga-Batangas.
Ang mga unang taon ng kanyang pag-aaral ay tinapos niya sa Instituto de Rizal sa Lipa. Pagkatapos ay nagenrol sa Ateneo de Manila, kung saan ay naipakita niya ang kanyang kahusayan at katalinuhan. Sa Ateneo de Manila ay nagwagi siya sa mga literary contests at kinilala ang kanyang kahusayan sa mga araling akademiko. Katulad ni Jose Rizal, natamo niya ang pinakamataas na karangalan nang magtapos niya ng digring Bachelor of Arts noong 1909. Tinapos niya ang abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas bilang Valedictorian at kaagad nang sumunod na taon ay naipasa niya ang pagsusulit sa bar kung kaya't siya ay naging ganap na manananggol.
Sa larangan ng literatura unang nakilala si Claro M. Recto. Hindi kataka-taka sapagkat maliit pa lamang siya ay mahilig na siyang sumulat. Nang siya ay nag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas napasama siya sa editorial staff ng El Ideal at nang lumaon ay naging kolumnista ng pahayagang La Vanguardia. Ang kanyang pitak pang-araw-araw ay may pamagat na Primeras Cuartillas sa ilalim ng sagisag sa panulat na Aristeo Hilario.
Sa gulang na 21 ay nalimbag ang kanyang unang bolyum ng kanyang mga tula na may pamagat na Bajo Los Cocoteros. Ang kanyang mga tulang hinangaan ay ang Celia Sampaguita, Arte el Martir, Noches de Manila at Alfonso III.
Ayon sa mga kritikong manunulat, si Recto bilang manunulat ng tula at tuluyan ay maihahanay sa mga batikang manunulat ng ating lahi. Ayon din kay Jaime C. de Veyra, isang literary critic ang kahusayan ni Recto sa Kastila ay di mapapantayan.
Sa larangan naman ng batas, ang kanyang kahusayan, ang kagulat-gulat niyang pagwawagi sa kanyang mga kaso ang siyang mabilis na nagpabago at nagpasikat ng kanyang pangalan. Tinagurian siyang Abogado Milagroso (Miraculous Lawyer).
Tatlong bagay ang pinaniniwalaan niyang naging dahilan ng kanyang pagiging matagumpay na abogado: una, ang kanyang kakayahan sa pagsusulat (literary ability); ikalawa, katalinuhan; at ikatlo, ang kanyang pagiging masipag at matiyaga.
Ang pagkakapasok ni Claro M. Recto sa pulitika ay sinasabing isang aksidente at sabi nga niya hindi daw niya alam kung paano siya nahulog sa pulitika. Gayun pa man, maraming tungkulin ang kanyang ginampanan para makapagsilbi sa pamahalaan. Likas siyang makabayan. Tagapagtanggol ng sariling wika.
Nakalulungkot nga lamang at sa di inaasahan ay binawian siya ng buhay sa iba pang bansa, sa Roma, Italya noong Oktubre 2, 1960 sa gulang na 69. Atake sa puso ang kanyang ikinamatay. Ang kanyang di inaasahang pagkamatay ay ikinagulat ng buong Pilipinas. Ang kanyang labi ay inuwi dito sa Pilipinas at ito ay nalibing sa Cementerio del Norte, Maynila. Bilang pagpapahalaga kay Claro M. Recto, itinatag ang Claro M. Recto Memorial Foundation, ang Recto Library and Museum. Ang daang dati ay Azcarraga ay pinangalanang Abenida Claro M. Recto.
No comments:
Post a Comment