Noong unang panahon ang mga ahas ay walang kamandag. Sa ganito sila ay hindi kinakatakutan at pinakukundanganan tisurin o patayin. Sa gayon nilang katayuan ay minarapat nilang gumawa ng paraan upang sila’y pangilagan ng tao at huwag patayin.Kaya’t ang kanilang puno’y dumalangin humingi ng kamandag kay Bathala. Ang kanilang kahilingan ay hindi naman pinagkaitan ng Panginoong Diyos.
Isang araw ang Panginoong Diyos ay nanaog at dala ang isang kamandag upang batiin ang mga ahas. Ang unang nakakuha ay ang ulupong kung kaya ang kanya ang pinakamabagsik. Ang lahat ay nakakuha ng kamandag maliban lamang sa dahongpalay na hindi kaagad nabatid ang pagbibigayan ng kamandag.
Nang madatnan niya ang pook na bigayan ng kamandag ay ang banga na lamang ang kanyang nakita. Sa hangad niyang magkaroon ng kamandag ay nagpaikot-ikot siya sa loob ng banga na ang kamandag ay napunta sa kanyang balat. Ngayon ang dahongpalay ay may kamandag sa balat at hindi sa loob ng katawan.
No comments:
Post a Comment