Sa Sulok
Hump, hump. Inay! Nakaupo ka sa isang sulok. Paulit-ulit mong binibigkas ang mga katagang yaon. Nasa gitna ka ng kadiliman sa iyong silid. Bulong lang ang iyong naririnig sa di kalayuan.
Hinahaplos niya ang kanyang tiyan. Hindi mo gaanong pansin at maipaliwanag ang kanyang ngiti. Isanng malalim na kasiyahan. Ang aking anak.Bigkas niya sa sarili.
Ito ang simula.
Mahirap tandaan kung kelan mo unang nasilayan ang sikat ng araw. Iniisip mong ikaw ay kalong-kalong ng iyong ina sa mga oras na iyon. Siya ang iyong duyan. Ang iyong tagapaglingkod. Hindi niya hahayaang madapuan ka ng lamok at langaw.
Inay ngayo’y binibigkas mo ng marahan. At patuloy ang pagbigat ng iyong dibdib. Dumarami lalo ang pag ulan sa iyo ng mga larawan. Di mo na pansin ang mga bulungan sa labas ng iyong silid.
Kahit ano pa ang pananaw ng ibat ibang dalubhasa sa pag-aanalisa tungkol sa usapin sa pagiging ina. Mahirap maintindihan ang kahulugan nito. At walang ina ang hindi sukdulan ang pagmamahal sa kanyang anak.
Uhaa! Uhaa!hayan na siya. Nagmamadali. Iniwan ang mainit na tubig. Sa bawat hakbang ay mabigat ang bdibdib. Nag-aalala sa iyo. Kung bakit ka umiiyak. Kung anong nangyari. Kung nahulog ka ba’t nabagsak ang ulo. Kinagat ng lamok. Lahat ng iyo’y gumugulo sa kanya. Nababaliw. Nag-aalala.
Ooh, baby ko Bakit ha?gutom ba ang baby ko?Tinititigan ka niya’t pinagmamasdan. Nagpapasalamat na walang nangyari sa iyo.
Ang buong panahong iyo’y ikaw ang sentro ng pamilya. Ang nagmimistulang laruan at pampawala ng bigat ng kalooban. Ngayo’y mabilis ang paglipas ng oras. Mayuming hinihipa’t tinatangay ng hangin ang pagtakbo ng oras. Hindi mo mapigilan ang pag-ikot ng hintuturo ng orasan, gustuhin mo man. Sa paglipas ng buwan tanging ikaw pa rin ang
naghahatid ng kakaibang saya. Tagumpay sa una mong pagngiti. Ang iyong unang paghakbang. Panahon ng iyong kakaiyak dahil sa pagtubo ng un among ngipin. Mama! Papa!. Ang una mong mga kataga.
Bakit? Ngayo’y tumitila na ang pagtagas ng iyong luha. Nagyo’y pasulpot-sulpot na pagtangis.
Nababakas mo ang larawan ng isang mag-ina. Hawak niya ang kamay ng kanyang supling. Ito kasi ang unaang pagtungtong niya sa paaralan. Maaaaa!!! Ayoko!ayokong pumasok mama. Mamaaa!Humahagulgol ka.
Tuyo na ang mga luha. Mulat na mulat na ang mga mata sa gitna parin ng kadiliman. Ngayo’y medyo maingay na sa labas ngunit animo’y bingi ka pa rin sa katahimikan.
Iba ngayon ang pagtatapos. Iba ang ngiti ng iyong ina. Ngayo’y malayo ang kinaroroonan niya. Hindi tulad ng iyong pagtatapos noong ika’y nasa elementarya pa lang. Dati’y nasa harap ng entablado ang iyong ina. Punit ang bibig sa ngiti katabi ang iyong ama at ang binayarang kukuha sa’yo ng larawan. Sinenyasa kang ngumiti. Di niya alintana ang pawis. Ang matinding sikat ng araw. Nagsisiksikang mga tao. Ngunit eto ka na animo’y kinakahiya mo siya. Di alam kung bakit. Basta ayaw mong Makita siyang tila nababaliw sa kasiyahan at sa pagmamalaki sa iyo. Masaya siyang Makita kang inihahakbang ang iyong mga paa bilang paghahanda sa pagtakbo sa mahabang daan na iyong tatahakin.
Bumibigat na ang iyong kalooban. Namumuo na naman ang butyl ng luha sa gilid ng iyong mga mata.
Ano ba kayo! Tama na! Tumigil na kayo! pakiusap ng iyong ina sa inyong dalawang magkapatid. Eh ************ yan eh. Nagsisimila nanaman. ************! bulalas mo. ************ ka rin! bigkas naman ng kapatid mo. Ngayo’y pumuputok na sag alit ang iyong nararamdaman. Parang gusto mong ilampaso ang kanyang mukha sa sahig at murahin hanggang sa makalimutan nito ang kanyang pangalan.
Madilim.
Nagyo’y naaaninag mo ang iyong ina. Bakit kayo ganyan. Dahl ba wala ang iyong ama? Masdan mo ang kapati mo? Umiiyak siya’t hindi maipaliwanag ang mukha sa sakit na nararamdaman. Bagong taon ngayon mga anak.Ang kapatid mo nama’y hinahaplos ang kanyang mukha at umiiyak. At dali-dali kang lumabas ng bahay. Mabigat ang pakiramdam. Nanginginig ang mga kamay. Wari’y nagsisisi. Pero di mo na maibabalik ang nangyari.
Mama!! Ngayo’y marahang tumutulo ang luha.
Natagpuan mo nalang ang iyong sarili pauwi sa inyong bahay. Kakaiba ngayon ang himig at ihip ng hangin. Sa pagdaan mo sa kalye papunta sa inyo. Ang pakiramdam. Mabigat. Ngayo’y nabibigyan mo ng kwento ang bawat pagbagsak ng dahon ng bawat punong dinadaanan mo. Natatanaw mo na ang paliko sa dulo ng kalye. Doo’y matatanaw mo ang inyong bahay.
Umiiyak ka ngayon ng may pagsisisi. Humahagulgol. Mabilis ang pagpapalit-palit ng mga larawan.
Ngayo’y bumililis ang pagtibok ng iyong puso. Pawang gusto mo ng huminto ngunit ayaw maawat ng iyong mga paa. Nanlalamig ka na at namumutla.
Sa dulo ng daanan ay maliwanag.
Sa kabila ng liwanag ay ang inyong bahay.
May mga batang nagpapaputok ng payb star.
Ngunit wala kang marinig.
Ngayo’y marahan ka ng naglalakad papunta sa harap ng inyong bahay.
Nakatingin sa iyo ang iyong mga kapit-bahay.
Ang isa’y tumatakbo patungo sa iyo.
Umiiyak.
Tinatawag ka.
Ngunit di mo siya pansin.
Ang paningin mo lang ay nasa durungawan.
Sa kahong iyon. May mga nagsisiiyakan. May itim na tabing.
Maliwanag sa loob.
Ang aking inay patuloy na ang pag-agos ng luha.
Nayo’y umaakyat na an gang mga kwitis sa langit. Naghahatid ng liwanag sa alapaap. Habang ang mga tao’y abala sa paghahanda sa medya notes, ika’y nasa isang sulok pa rin ng iyong silid. Nakatitig sa kawalan.
Maingay sa labas.. Inay.
No comments:
Post a Comment