Wednesday, May 13, 2009

Ang Labanan sa pagitan ng Alitaptap at mga Tsonggo

Ang Labanan sa pagitan ng Alitaptap at mga Tsonggo

Isang gabi, isang alitaptap ang umalis upang bisitahin ang isang kaibigan. Habang matahimik siyang lumilipad, dala-dala ang kanyang maliit na ilawan at iniisip ang kanyang sariling lakad, nakilala niya ang isang tsonggo.

Ang sabi ng tsonggo, "Ha, ha, G. Alitaptap, bakit lagi mong dala-dala ang iyong ilawan?"

"Nagdadala ako ng ilawan para makita ko ang mga lamok at lumayo sila sa akin, "sagot ng alitaptap. "Lumayo sa 'yo ang mga lamok!" hagulgol ng tsonggo. "Isa kang duwag! Takot ka sa lamok!"

Sabi ng alitaptap: "Tutunguhin ko ang sarili kong daan at iisipin ko ang aking sariling landas, at iiwan ko ang mga lamok upang tunguhin ang sarili nilang daan. Pero ipinagdiinan pa rin ng tsonggo na ang alitaptap ay natatakot, at nang sumunod na araw, sinabi niya sa kanyang mga kaibigang tsonggo na ang alitaptap ay nagdadala ng ilawan dahil isa siyang duwag. Lahat ng mga tsonggo ay nagtawanan.

Nang lumaon, nabalitaan ng alitaptap ang mga sinabi ni G. Tsonggo at kung paano siya pinagtawanan ng mga tsonggo. Gusto niyang turuan ng leksyon ang mga ito. Dali-dali siyang pumunta sa bahay ni G. Tsonggo at, nadatnan niya itong natutulog; itinapat niya ang kanyang ilawan sa mukha nito at ginising.

"Bakit mo sinabi sa lahat na ako ay isang duwag?" sabi nito. "Bukas, pumunta ka sa plasa at doon, sa harap ng lahat, papatunayan natin kung ako nga ay isang duwag!". "Ha, ha, ha!" pagtatawa ng tsonggo, "At inaalok mo ko na lumaban sa 'yo? Kung gayon, sino ang daldalhin mo para tulungan ka na lumaban sa isang malakas na nilalang kagaya ko?"

"Mag-isa akong pupunta," sabi ng alitaptap, "Mag-isa! Maganda 'yon! Dadalhin ko ang buong pulutong ng nga tsonggo - bawat isa ay kasinlaki ko! At tingnan natin kung ano ang mangyayari sa 'yo kapag pumunta ka ng mag-isa!"

At pinapunta nga ni G. Tsonggo ang kanyang mga kaibigan sa plasa. Lahat sila ay pumunta, ngunit natagpuan ang isang maliit na alitaptap na nag-iintay mag-isa. Pinangunahan ni G. Tsonggo ang pulutong laban sa alitaptap. At inutusan niya ang kanyang mga kasama na atakihin ang alitaptap.

Mabilis na lumipad sa ilong ng dakilang Tsonggo. Ang tsonggo na nakatayo kasunod nito, ay kaagad na pinalo ang alitaptap, ngunit mabilis itong nakalipad at ang ilong ng dakilang tsonggo ang tinamaan. Bumagsak ito sa lupa.

At lumipad ang alitaptap sa ilong ng isa pang tsonggo. Ang ikatlong tsonggo naman ang pumalo at muli mabilis na nakalipad ang alitaptap. Tinamaan muli ang isa pang tsonggo. Bagsak ito sa lupa. At gayundin ang nangyari sa iba ito. Pinalo nila ang alitaptap na nakadapo sa ilong ng bawat isa, at sa halip na tamaan ito, ang tsonggo ang isa-isang bumagsak sa lupa.

At sa huli, nanalo ang alitaptap. "Sino ang makapagsasabi na ang alitaptap ay isang duwag?" sabi nito. Ang mga tsonggo, na nahihiya sa sinapit, ay walang nasabi. Ang alitaptap ay matahimik na lumipad palayo, upang ipagpatuloy ang kanyang sariling lakad kagaya ng dati.

4 comments: