Ang Malalaking Bituin sa Kalangitan
Sa bayan ng Kabatuhan, mayroong naninirahang isang mahirap na mag-ina. Sila'y napakamak diyos. Dahil sa mabait ang babae ay lumaki ang kanyang anak ng masunurin at mabait.
Ngunit dumating ang isang malaking problema sa kanilang bayan. Ang kaisa-isang balon na pinagkukunan ng lahat ng taga-roon ng tubig ay natuyot. Hindi naglaon ay maraming mga tao ang nagkasakit at ang ilan ay mga nangamatay. Nagkaroon din ng sakit ang babae dahil sa matinding uhaw.
"Oh aking anak," ang sabi ng babae sa kanyang anak, "ihanap mo naman ako ng kahit kaunting tubig, dahil ako'y mamamatay na sa uhaw."
"Opo ina," sagot ng masunuring anak na kaagad ay kumuha ng tabo na yari sa bao ng niyog sa kanilang kusina.
Kahit saan siya magtungo ay wala siyang makuhang tubig. Pawang mga nanlulumong mga tao ang mga nandoon at halos mamatay na sa uhaw. Nagpatuloy parin siya sa paglalakad at tanging iniisip lamang ay makakuha ng tubig para sa kanyang nauuhaw na ina.
Habang naglalakad, tumingin siya sa langit at nagdasal: "Panginoon, bigyan n'yo po ako ng kahit kaunting tubig upang makainom na ang aking ina."
Nang siya'y tumingin pababa ay mayroong pumupuslit na tubig sa kanyang harapan. Madali niyang isinahod ang dala niyang tabo, at kaagad nagpasalamat sa panginoon. Nagtatakbo siya patungo sa kanyang ina. Habang tunatakbo'y may tumawag sa kanyang isang lalaki.
"Anak, maaari ba akong makainom ng kahit kaunting tubig na iyong dala-dala, dahil ako'y uhaw na uhaw na?"
Dahil sa awa sa lalaki ay pinainom niya iyon at kaagad naman itong lumakas. Nagpautuloy siya sa pagtakbo patungo sa kanyang nauuhaw na ina, habang tumatakbo'y di sinasadyang nadapa siya at bumagsak ang hawak niyang tabo, tumama ito sa bato at nagkapirapiraso.
Umiyak ang bata sa nangyari, kaya tumingala muli siya upang humiling sa muli sa Diyos ng tubig. Hindi nga siya nagkamali at sa kanyang kinatatayuan ay nagkaroon ng balon na puno ng tubig. Tumingala muli siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos, at mula doon ay nakita niya ang pirapirasong bahagi ng kanyang tabo na unti-unting tumataas at kumorte na kahugis ng kanyang tabo na yari sa bao.
Sa tuwa ng bata'y tinawag niya ang lahat ng naroon at nagsidating na nga ang mga tao na may kanya-kanyang dalang lalagyan ng tubig. Dali- daling kumuha ng tubig ang bata at nagtungo na sa kanilang tahanan. Naabutan niya ang kanyang ina roon na malapit nang malagutan ng hininga sa uhaw, kaya't kaagad niya itong pinainom.
"Aking anak," sambit ng babae, "Ikaw ay isang napakabuting anak."
"Ina, ang Panginoon ang siyang tumulong sa akin."
Mula noon gabi-gabi'y pinapanood ng mag-ina ang pagkorte ng mga bituin n hugis tabo sa kalangitan.
No comments:
Post a Comment