Ang Matigas na Ulong Sisiw
May isang inahing manok ang may anim na sisiw. Kung nasaan ang inahing manok ay naroon ring nakasunod ang mga sisiw nito. Palagi silang sagana sa pagkain kaya sila'y palaging masaya.
Sa isang isang bakuran naroon sina inahing bibi at ang kanyang anim ring mga maliliit na bibi na nagsisipaligo at naglalaro sa isang maliit na balon.
Natanaw ng mga sisiw ang mga nagsisipaglangoy na mga bibi. Lumapit sila sa gilid ng balon at doo'y pinanood ang masasayang mga bibi.
"Umalis kayo sa gilid ng balon!", sigaw ni inahing manok.
Waring walang narinig ang mga sisiw sa sinabi ng inahing manok. "Masdan n'yo ang mga sisiw na nagsisipaligo sa balon," ang sigaw ng isang sisiw.
"Hindi iyon mga sisiw. Sila'y mga bibi. Hilig nila talaga ang tubig. Umalis na kayo sa gild ng balon dahil baka kayo'y mahulog at malunod. Halina kayo't tayo'y aalis na." ang wika ng inahing manok.
Patungo na ang inahing manok sa kanilang pugad kasunod ang limang sisiw. Ang isang sisiw ay nagpaiwan at nanatiling nakamasid sa mga nagsisipaligong bibi.
Naisip niyang kung kayang lumangoy ng mga maliliit na bibing iyon sa tubig ay kaya rin niyang isang sisiw. Kaya't siya'y tumalon sa tubig, ngunit huli na ang lahat nang mapag-isip-isip ng matigas na ulong sisiw na hindi niya kayang lumangoy, kaya't siya'y nalunod.
Mensahe:
Makinig sa payo ng mga magulang.
No comments:
Post a Comment