Tuesday, May 12, 2009

ANG UNANG PUNO NG BUKO, NIYOG, TUBA


Ang Unang Puno Ng Buko, Niyog, Tuba

MINSAN, isang mangangahoy (cazador, hunter), kasama ang kanyang aso (perro, dog) at bitbit ang kanyang sumpit (blowgun), ang pumasok sa gubat (bosque, forest) upang humuli ng hayop (animal ) at humanap ng anumang makakain. Una niyang nakita ay isang maliit na punong kahoy (arbor, tree) na tumutubo sa sukal (maleza, underbrush). Nuon lamang siya nakakita ng ganuong uri ng puno. Tumigil siya at masusing pinagmasdan ang maliit at kakaibang halaman. Pagtagal, nagpatuloy siya palalim sa gubat at malayo na ang nalakad niya nang narining niya ang isang maingay na ibon ( pajaro, bird ) sa mataas na punong kahoy. Inasinta niya ng kanyang sumpit at pinatay. Itinali niya at isinabit sa balikat (hombro, shoulder), saka nagpatuloy sa paghahanap. Sunod niya namataan ang isang matsing (mono, monkey). Mula sa mataas na sanga (rama, branch) ng isang puno, hiniyawan siya nang hiniyawan ng matsing. Inasinta ng sumpit at bumagsak ang patay na hayop sa paanan ng mangangahoy.

Nakatali at pasan-pasan din ang matsing sa balikat, matagal ding naglakad uli ang mangangahoy bago niya narining ang kahol (ladrido, bark) ng kanyang aso. Humangos siya at dinatnan ang aso, kagat-kagat ang isang baboy damo (verraco, wild boar). Tinulungan niya ang aso at pagkaraan ng marahas na paghahamok, napatay nila ang baboy damo.

Napagod sa labanan, at malayo na rin naman ang nalakad niya, minabuti ng mangangahoy na magpahinga muna bago umuwi. Sapat na itong nahuli ko, bulong niya sa sarili. Ininom niya ang dala niyang tubig, sumandal sa isang puno at pumikit hanggang tumigil ang hingal (aliento, breath) at ang tulo ng pawis (sudor, sweat). Hindi nagtagal pagkatapos, itinali rin niya ang baboy damo at pinasan sa balikat, kasama ng ibon at matsing.

Pauwi, sinadya niyang tuntunin pabalik ang mismong landas (camino, path) na nilakad niya papasok sa gubat sapagkat ipinasiya niyang kunin ang kakaibang puno na nakita niya nuong umaga.

“Punong paslit,” binati niya ang puno nang nakita ito uli, “ibig kitang iuwi at alagaan, at malamang may pakinabang kang ibibigay sa akin.”

Maingat niyang hinukay ang halaman at dinala nang hawak-hawak sa kamay. Subalit hindi pa siya nakakalayo, nagsimulang malanta (marchitarse, wilt), ang mga dahon (hoyas, leaves) ng puno. Ubos na ang kanyang tubig at hindi niya maisip kung ano ang gagawin. Gipit-na-gipit, hiniwa niya ang leeg ng ibon at pinatulo ang dugo (sangre, blood) sa munting puno. Unti-unting tumaas uli ang mga dahon at maniwaring nagbalik ang buhay ng puno.

Nagpatuloy pauwi ang mangangahoy subalit hindi pa siya nakakalayo, muling nalanta uli ang mga dahon. Kaunti lamang kasi ang dugo ng ibon, naisip ng mangangahoy, kaya ang dugo ng matsing ang idinilig niya sa munting puno. Nabuhayin ito muli, at kumaripas ng takbo ang mangangahoy upang makarating ng bahay bago muli itong malanta. Subalit mas kalayuan pa siya sa bahay nang nagsimula uli ang pagkalanta kaya ang dugo na ng baboy damo ang pinatulo ng mangangahoy.

Pagdating sa bahay, agad niyang itinanim ang munting puno sa lupa, at ito ay nabuhayan at nagsimulang tumubo. Hindi nagtagal, ang munti ay naging malaki at matayog na puno, walang mga sanga at lahat ng dahon ay nasa tuktok, kung saan sumulpot ang mga “buko” o usbong ng halaman, kaya tinawag ng mangangahoy ito na “puno ng buko.”

Nang nahinog, bumagsak sa lupa ang mga buko at natanto ng mangangahoy na ang mga ito ang bunga ng puno. Tinalupan niya ang isa at natuklas ang “niyog” o buto na pinagmumulan ng mga bagong puno. Ito ang pang-2 pangalang ibininyag niya - “puno ng niyog.”

Natuklas din niyang masaganang pagkain ito kaya itinanim niya ang mga buko sa bawat pirasong lupa sa paligid upang hindi na siya maubusan ng pagkain. Tumubo ang mga ito at naging matiwasay ang buhay ng mangangahoy, at natuto siya ng iba’t ibang gamit sa buko at niyog. Isa rito ang alak (vino, wine) na hango sa katas (jugo, juice) na maaaring inumin bago mapanis

( ferment). Siya ang kauna-unahang uminom nitong alak na tinawag niyang tuba, mula sa “tabo,” kaputol na kawayan (bamboo) na karaniwang lalagyan ng tubig inumin at, mula nuon, ng bagong alak.

Itong tuba ang madalas ihanda ng mangangahoy sa mga kaibigan na natutong dumalaw nang madalas sa kanyang bahay. Isang araw, nang marami na silang nainom na tuba, isinalaysay ng mangangahoy kung paano niya natagpuan at inuwi ang puno ng niyog, at kung paano niya sinagip ito sa pagdilig ng dugo ng 3 hayop.

“Ngayon,” saysay ng mangangahoy, “taglay nitong tuba ang mga katangian ng mga hayop na pinang-dilig ko. Kapag uminom ka ng 3 o 4 tabo nito, nagiging katulad ka ng maingay na ibon na una kong napatay. Kapag uminom ka ng higit pa sa 3 o 4 tabo, nag-aasal matsing ka na hiyaw nang hiyaw. At kapag nalasing ka na, mistulang baboy damo ka na walang asal at humihiga kahit sa pusali.”

ANG PINAGKUNAN
The Virtues of the Coconut,’ a Visayan Myth, Philippine Folk Tales, compiled and annotated by Mabel Cook Cole, A. C. McClurg and Company, Chicago, 1916,
The Project Gutenberg EBook, produced by Jeroen Hellingman and the PG Distributed Proofreaders Team from scans made available
by the University of Michigan, http://www.gutenberg.org/files/12814/12814-8.txt

http://www.elaput.org/almat20.htm






No comments:

Post a Comment