Friday, April 24, 2009

JUAN LUNA

Juan Luna

Si Juan Luna y Novicio (23 Oktubre 1857-7 Disyembre 1899) ay isang Pilipinong pintor at bayani. Kilala siya para sa kanyang larawang Spoliarium, isang dibuho ng pagkaladkad ng mga bangkay ng mga natalong gladyator sa Colosseum sa Roma. Ang nakakabagbag-damdaming eksenang ito ay maaring itulad sa mga kasawian ng mga Pilipino sa ilalim ng Espanya.

Kabataan

Ipinanganak siya sa Badoc, Ilocos Norte, ikatlo sa pitong anak nina Joaquin Luna at Laurena Novicio. Lumipat ang pamilya sa Maynila noong 1861 upang makakuha ng mabuting edukasyong ang mga anak. Nagkainteres si Luna sa pagpipinta dahil sa impluwensya ng kanyang kuya Manuel, na magaling na pintor.

Edukasyon

Nag-aral si Luna sa Ateneo de Manila, at pagkatapos sa Escuela Nautica. Naging manlalakbay-dagat siya. Sa pamamgitan nito, nakita niya ang magagandang tanawin sa Hongkong, Amoy, Singapore, Batavia, at Colombo. Kapag nasa Maynila siya nagpapaturo pa rin siya kay Lorenzo Guerrero ng pagpipinta. Pumasok siya sa Academia de Dibujo Y Pintura sa Maynila ngunit ipinaalis, marahil dahil ang kanyang estilo ay hindi umaayon sa kagustuhan ng kanyang maestro. Noong 1877, sa rekomendasyon ni Guerrero, pinaaral siya ng kanyang magulang sa Escuela de Bella Artes sa Madrid. Subalit, hindi niya nagustuhan ang paraan ng pagturo rito. Noong nakilala niya ang pintor na si Don Alejo Vera, umalis siya sa eskwela upang maging aprentis niya.

Karera

Noong 1881 nanalo siya ng gintong pilak para sa kanyang dibuhong La Muerta de Cleopatra sa pandaigdig na kumpetisyon na ang Exposición Nacional de Bellas Artes sa Madrid. Dahil dito naging pensionado siya ng Ayuntamiento ng Maynila sa kondisyon na gumawa siya ng larawan para sa kanila. Ilang taong lumipas bago natapos niya ito—ang El Pacto de Sangre. Noong 1884, ang kanyang Spoliarium ay nagwagi ng isa sa tatlong gintong medalya sa Exposición Nacional de Bellas Artes para sa taong iyon. Ang kanyang dalawang lahok sa Exposicion ng 1887, La Batalla de Lepanto at Rendicion de Granada at nagwagi rin.

Pamilya

Noong 1885, lumipat siya sa Paris at nagbukas ng studio roon. Noong 1886, pinakasalan niya si Maria Paz Pardo de Tavera, ang kapatid ng kanyang mga kaibigang sina Felix at Trinidad Pardo de Tavera. Nagkaroon sila ng dalawang anak nila subalit isa ay namatay habang sanggol pa. Pagkalipas ni ilang taon, sinuspetiya ni Luna na may kalaguyo ang asawa niya, kaya noong 1892, pinatay niya ang kanyang asawa, kasama ng kanyang ina, dahil sa kanyang pagselos. Idinetermina ng korte na ito ay ginawa niya habang samantalang baliw at sa gayon walang sala siya. Bumalik si Luna sa Madrid kasama ng iisa niyang buhay na anak, si Andres.

Pagkabayani

Bumalik siya sa Pilipinas noong 1891 at idinakip siya kasama ng kanyang kapatid na si Antonio Luna noong 1896 at ikinulong sa Fort Santiago dahil sila ay sinususpetiyang taga-oraganisa ng rebolusyon ng mga Katipunero. Noong pinalaya siya noong 27 Mayo 1897, bumalik siya sa Europa. Sa pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, isa siya sa piniling maging bahagi ng delegasyon para sa negosasyon sa pagkilala ng Paris at Amerika sa bagong republika.

Nang pauwi na siya sa Pilipinas, tumigil siya sa Hong Kong, kung saan inatake siya sa puso at namatay.

Pagkalipas ng ilang taon, ang kanyang huling obrang Peuple et Rois na nakumpleto niya noong 1889 ay ikinunsiderang pinakamahusay na lahok sa Universal Exposition sa Saint Louis sa Amerika.

No comments:

Post a Comment