Thursday, April 23, 2009

ALAMAT NG BAYABAS

ANG ALAMAT NG BAYABAS

Bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila sa Pilipinas ay may isang sultan na ubod ng lupit at hindi kumikilala ng katarungan. Siya si Sultan Barabas. Lubha siyang kinatatakutan ng mag nasasakupan dahil sa kanyang kalupitan.

Ang salita ni Sultan Barabas ay batas. Wala siyang iginagalang sa kanyang pagpaparusa. Matanda at bata, lalaki at babae ay pinarurusahan niya. Mabigat ang parusang ipinapataw niya sa mga nakagagawa ng kahit maliit na kasalanan.

Mabibigat na parusa agad ang kanyang iginagawad. Iyon ay upang magkaroon dawn g kadalaan at hindi na umulit pa ang mga taong nagkasala.

Araw- araw ay nabibihisan siya ng magagara at mamahaling damit. Tuwina ay nakalagay sa kanyang ulo ang gintong koronang ipinasadya pa niya sa malayong bayan. Ang koronang iyon ay isinusuot niya saan mang magpunta. Iyon ay pagpapakita ng kanyang kapangyarihan at pagiging mataas sa lahat.

Saganang- sagana din siya sa masasarap na pagkain. Gayunman ay ubod naman siya ng damot. Walang pulubi ang nakahihingi sa kanya ng tulong o kahit konting pagkain. Hindi katakataka na ang kanyang malawak na hardin na may tanim ng iba’t ibang punong namumunga ay hindi niya hinahayaang mapasok ninuman.

Siya lamang at ang mag aliping tagapitas ng mga bungangkahoy ang nakakapasok doon. Mas mabuti pa sa kanya ang mabulok ang mga bunga ng puno kaysa ipakain sa iba.

Isang araw ay may isang mangingisda ang ipinadakip ng sultan sa kanyang mga tauhan. Ang dahilan ay masyado itong ginabi sa pangingisda. Walang awa niyang ipinakulong ang pobreng mangingisda. Iniutos pa niyang pahirapan ito upang magtanda.

Nakarating sa asawa ng mangingisda ang nangyari. Agad nagtungo ang babae sa kaharian ng sultan kahit malalim na ang gabi. Ang asawang ito ng mangingisda ay mahusay gumawa ng isdang daing. Ito ang nagdadaing ng mga isdang nahuhuli ng asawa.

Walang takot na nagtuloy sa palasyo ang magdadaing. Kinatok nito ang natutulog na sultan. Dahil naabala sa tulog ay galit na galit na bumangon ang sultan. Nang malaman nito kung sino ang umabala sa pagtulog at kung ano ang sadya nito ay lalo siyang nagalit.

Sa halip na maawa sa babae ay ipinakulong niya ito. Naisip niyang makakain na ang masarap na daing dahil pahuhulihin niya ng isda ang asawa nito at ipadadaing naman niya sa babae.

Masaya na rin sana ang mag- asawa kahit pareho silang nakakulong. Magkasama naman silang dalawa. Kaya lang ay nag- aalala sila para sa anak na binatilyo na naiwang mag- isa sa bahay nila. Alam nilang walang mag- aasikaso sa mga pangangailangan nito kung wala silang dalawa.

Ang hindi nila alam ay inaalagaan ng mga diwata sa gubat ang kanilang anak. Ang mga ito ang nagbibigay ng pagkain sa binatilyo sa araw- araw.

Isang araw, naisipan ng binatilyo na puntahan si Sultan Barabas. Ibig niyang hilingin ditto na palayain na ang ina at ama. Sinamahan siya ng mga diwata sa pagtungo sa palasyo.

Nang magkaharap ang dalawa ay tahasang nagsalita ang binatilyo. Sinabi nito na dapat siyang bigyan ng sultan ng pagkain dahil ang kinakain nito ay ang isdang pinaghirapang hulihin ng kanyang ama at idinaing ng kanyang ina.

Hindi pumayag si Sultan Barabas. Sa halip ay nagtawa lang ito. Sa galit ng binatilyo ay bigla nitong inagaw ang suot na korona ng sultan at saka nagtatakbo. Humabol sa lalaki ang sultan. Nakarating sila sa malawak nitong hardin. Hindi maabutan ng sultan ang binatilyo dahil higit itong mabilis tumakbo.

Napagod ng husto ang sultan. Humihingal itong huminto sa tapat ng isang malaking puno. Habol nito ang paghinga at dakot ang dibdib na naninikip.

Sa sumunod na saglit ay bigla na lamang itong natumba. Noon din ay agad itong binawian ng buhay.

Sa hardin ding iyon ito ipinalibing.

Nagkaroon ng bagong sultan. Ito ay higit na mabait at makatarungan kaysa kay Sultan Barabas. Binuksan nito sa lahat ang malawak na hardin upang makakain ng bungangkahoy ang sinumang may nais.

Isang bagong halaman ang napansin ng mga tao na tumubo sa pinaglibingan kay Sultan Barabas. Hinayaan ng mga tao na lumaki at mamunga ang nasabing puno.

Nang tikman nila ang bubot pang bunga ay napangiwi silang lahat.

Ang pait!” sabi ng isa. Simpait ng ugali ni Sultan Barabas!”.

Nang magsilaki na ang mga bunga at muli nilang tikman ay nasabi ng ilan: Ang asim. Sing- asimng mukha ni Sultan Barabas!”.

“Kung gayon ay si Barabas ang punong iyan!”sabi ng marami.Nang mahinog ang mga bunga ay nasarapan ang lahat dahil matatamis ang mga iyon. Mula noon ay nakagiliwan ang bunga ng puno at nang lumaon ay tinawag na Bayabas.


No comments:

Post a Comment