Thursday, April 23, 2009

EMILIO JACINTO


EMILIO JACINTO

Ang ‘Utak’ Ng Katipunan

Laging pinatunayan ng mga Pilipino na higit silang magiting kaysa kanilang mga pinuno. Sinu-sinong pinuno ang dumating, sinu-sinong pinuno ang naglaho; subalit patuloy ang mga Pilipino sa pagtahak sa anumang landas na itakda ng Kapalaran... --Emilio Jacinto MAY-KAYA nang kaunti ang mga magulang ni Emilio Jacinto nang isilang siya nuong Deciembre 15, 1875. Ang kanyang ama, si Mariano Jacinto, ay tatag ang hanap-buhay bilang tenedor-de-libro (bookkeeper) sa isang bahay kalakal sa Binondo, malapit lamang sa kanilang bahay sa Trozo, sa Tondo, Manila. Nakatulong din ang hanap-buhay ng ina, si Josefa Dizon, bilang comadrona (midwife). Mula sa mayaman at kilalang angkan ng mga Dizon ang ina, kaya bata pa ay tinuruan na si Emilio. Sa gulang na 6 taon, natutuo na siya ng pangkaraniwang Español (lengua de tienda, market Spanish). Dinaan sa paulit-ulit na pagsa-ulo (cabezote, learning by rote) na karaniwang paraan ng pag-aaral nuong panahong iyon. Matatas din siya sa Tagalog na wika ng kanyang mga magulang.

Nang namatay ang kanyang ama, agad naghirap ang mag-anak. Bahagya lamang nakayanan ng ina na nag-isa nang naghanap-buhay. Ang damit nila ay mga lumang baro na tinubos nang mura ng ina mula sa bahay-sanglaan (casa de agencia, pawnshop). Nang nagsimulang pumasok si Emilio sa paaralan ni Maestro Pascual Ferrer, lagi siyang tinukso ng mga kamag-aral dahil sa pagkadukha ng kanyang suot - ang sinturon (cinturon, belt) niya ay ginupit na laylayan ng saya ng ina, ang sintas ng zapatos (showlaces) niya ay pinunit mula sa itim na basahan (trapo, rag). Nang nakatapos siya sa mababang paaralan ni Ferrer, tatag na ang kanyang pagka-tao: tahimik subalit walang takot lumaban.

Dahil sa hikahos, napilitan siyang ilipat ng ina sa kanyang kapatid, si Jose Dizon, upang ipagpatuloy ang pag-aaral sa colegio. Sa tustos ng tio, nakatapos si Emilio ng bachelor of arts (licenciado) sa San Juan de Letran, matapos ng araw-araw na kutya at libak ng mga mayamang ka-clase (compañeros, classmates) dahil sa kanyang pagka-dalita. Pumasok siya sa Universidad de Santo Tomas upang mag-aral ng pagka-abogado. Nabanggit ng mga kakilala niya sa Santo Tomas nuon na tahimik pa rin siya, hamak pa rin ang damit, at wala pa ring takot makipag-suntukan. Ang nadagdag, sa ulat nila, ay ang sagad niyang hangad na maging malaya ang Pilipinas. Dala marahil ng tukso at paghamak na tinanggap mula pagka-bata, o ang mga pag-api ng Español na nabasa niya sa kumakalat nuong propaganda ng mga ilustrado. Anuman ang dahilan, sa murang gulang na 19 taon gulang, “hinog” na si Emilio sa papalapit na himagsikan.

Dinakip si Jose Rizal at ipinatapon (desterrado, exiled) ng mga Español sa Dapitan, Mindanao, nuong Julio 7, 1892. Nuong gabi ng araw ding iyon, sinimulan ni Andres Bonifacio ang kanyang himagsikan sa bahay ni Deodato Arellano sa calle Azcarraga (Claro M. Recto Avenue ngayon) sa canto ng calle Ylaya sa Tondo. Kasama sina Ladislao Diwa, Valentin Diaz at Teodoro Plata nang itatag ni Bonifacio ang “Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.” Nangako silang lahat na maghahanap ng iba pang sasanib.

Sumunod na taon, 1893, pinalitan si Deodato Arellano ni Roman Basa bilang supremo ng Katipunan subalit hindi rin natupad ni Basa ang mga tungkulin ng punong tagapag-paganap. Napilitan si Bonifacio na gampanan ang pamunuan. Nuon, nagkakilala na sina Bonifacio at Jacinto, kapwa naghahanap-buhay sa isang bahay-kalakal, ang Fressel company. Nuong 1894, sumapi sa Katipunan ang binatang nag-aaral ng abogacia sa Santo Tomas, pati ang isa pang kawani, si Pio Valenzuela na nag-aaral din, ng medicina naman.

Nakilatis ni Bonifacio ang dunong at katapatan ni Jacinto, kaya hinirang niya itong kalihim (secretary) at fiscal (abogado, attorney) ng Katipunan.

Labag sa hiling ng ina, itinigil ni Jacinto ang pag-aaral upang ibuhos ang panahon sa pagpalawak ng himagsikan. Sinulat niya ang sumpa (oath of allegiance) ng mga sumanib sa Katipunan, at ang kartilya na dapat sundin ng bawat Katipunero. Katulong ni Bonifacio at ni Valenzuela, sinulat, pinatnugot (edited) at nilimbag (published) nila ang Kalayaan, ang pahayagan ng himagsikan. Si Jacinto rin ang nangasiwa ng paggawa ng polvora (gunpowder) at bala ng baril. Siya rin ang pinuno ng mga tiktik (espias, spies) ng Katipunan.


Nakahingi si Jacinto sa kanyang guro sa Santo Tomas ng tagubilin (recommendation) upang maging kawani ng pamahalaan ang ilang kasapi ng lihim na Katipunan. Sila ay naging mga tiktik, pati na si Julio Navarro na naipasok ni Bonifacio sa sangay tiktikan (servicio de informacion, secret service) mismo ng mga Español.

Kasama si Jacinto nuong Abril 12, 1895 nang naghanap sina Bonifacio, Guillermo Masangkay, Aurelio Tolentino, Faustino Maiialac, Pedro Zabala at iba pang Katipuneros ng mga taguan sa paligid ng Manila. Sa mga bundok ng San Mateo at Montalban, natuklasan nila ng mga yungib (cuevas, caves) ng Makarok at Pamitinan. Maraming taga-Morong ang sumanib sa kanila uon. Himok ni Candido Tirona na palawakin din ang Katipunan sa Cavite. Nuong sumunod na taon, 1896, kasama si Jacinto nina Valenzuela, Bonifacio at kapatid nitong si Procopio, na humanap at tumanggap ng mga kasapi sa himagsikan sa Cavite.

Pagkaraan ng ilang buwan, tumanggap sila ng babala mula sa mga tiktik na bunyag na ang Katipunan at dadakpin silang lahat ng mga Español. Agad silang tumakas at nanawagan si Bonifacio sa lahat ng Katipuneros ng Manila na magpunta sa Balintawak. Nuong Agosto 21, 1896, pinulong sila nina Bonifacio at Jacinto sa bahay ni Apolonio Samson sa sitio ng Kangkong upang pag-usapan ang dapat gawin.

Subalit wala silang napagkasunduan.

Bahagi ngayon ng Caloocan, nuon ay bukid at gubat ang buong paligid ng Manila at ligtas sa matyag ng mga Español, kaya nakapagtipon uli sila pagkaraan ng 2 araw, sa bakuran naman ni Juan Ramos, anak ni “Tandang Sora” Melchora Aquino. Napagkaisahan nilang simulan ang himagsikan pagkaraan ng isang linggo, sa Agosto 29, 1896, upang bigyan ng sapat na babala at panahong maghanda ang mga Katipuneros sa mga lalawigan.

Nuong araw ding iyon, Agosto 23, 1896, pagkatapos nilang magsugo ng mga pasabi sa mga lalawigan, pinunit nila ang kanilang mga cedula, pahiwatig na hindi na sila paiilalim sa Español kailanman.

Kinabukasan, lumipat sila sa bahay ni “Tandang Sora” upang hindi mapansin ng mga taga-Balintawak subalit nuong sumunod na araw, Agosto 25, 1896, dumating ang isang pangkat ng hukbong Español. Walang sandata maliban sa mga itak, napilitang umurong ang mga Katipuneros at hinabol sila ng mga sundalo hanggang abutan ng gabi sa Balara.

Patuloy na umurong ang mga Katipuneros
hanggang sa Marikina. Duon, nuong takdang araw ng Agosto 29, 1896, isang Sabado, hinayag ni Bonifacio ang himagsikan laban sa España.

“Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Himagsikan! Mabuhay ang Katipunan!”

Pagkatapos ng sigawan, lumapit si Bonifacio kay Jacinto, “Ano na’ng dapat nating gawin ngayon?”

Ang balak ay lumusob sa Manila subalit minungkahi ni Jacinto na kailangan nila ng sandata kaya lusubin muna nila at agawin ang mga baril ng mga bantay na sundalo sa El Deposito, imbakan ng tubig para sa Manila sa San Juan del Monte (tinatawag ngayong Pinaglabanan, San Juan). Kinabukasan, Agosto 30, 1896, pinamunuan nilang dalawa ang 800 Katipunerong sumalakay sa bandang 100 sundalo na masipag umurong at nagkulong sa El Deposito.

Bitbit ang mga nakurakot na sandata, lumusob ang mga Katipunero papuntang Manila ngunit sa Caloocan pa lamang, nakasalubong na nila ang
hukbong Español na humahangos pasaklolo sa El Deposito. Tumalbog ang mga Katipunero hanggang Mandaluyong, mahigit 150 ang napatay at bandang 200 ang nahuli ng Español, marami ay binitay sa Bagumbayan (Rizal Park ang tawag ngayon).

Gaya ng balak, sumabog ang aklasan sa paligid ng Manila, sa Caloocan, San Francisco de Malabon, Makati, Pasig, Noveleta, Taguig at Kawit. Sinakop nina Bonifacio ang San Mateo subalit pagkaraan ng 3 araw, sinalakay sila ng hukbong Español at napilitang tumakas.

Hinirang ni Bonifacio si Jacinto pinunong general (generalisimo) ng mga Katipunero sa Manila at paligid, sa Laguna, Bulacan at Nueva Ecija. Subalit nagpatuloy si Jacinto bilang pinunong tagapayo at katulong ni Bonifacio.

Siya ang namahala ng pagpa-mudmod ng mga abuloy na salapi, baril, bala at iba pang sandata, pati mga pana at palaso. Naglimbag din siya ng kanyang mga makabayang tula, at makabayan ding awit ni Julio Nakpil, ang bayaning manunulat ng musica.

Naghirap sa dami ng gawain at hirap ng sunud-sunod na pagkatalo sa mas marami at mas malakas na hukbong Español, nagkasakit si Jacinto kaya hindi nasamahan si Bonifacio sa pulong ng mga Katipunero sa Tejeros, Cavite, nuong Abril 1897. Kaya walang katulong si Bonifacio kundi ang asawa, si Gregoria de Jesus, at ang 2 kapatid, sina Procopio at Ciriaco, nang ipadakip at ipapatay ni Emilio Aguinaldo ang magkakapatid na Bonifacio nuong Mayo 1897.

Nawalan ng minahal niyang pinuno, lubhang naghinagpis si Jacinto at tumanggi sa pamumuno ng Katipunan na inangkin ni Aguinaldo. Dinaan na lamang sa tibay ng luob, ipinagpatuloy niya ang pamumuno sa Laguna laban sa mga Español, gaya ng habilin sa kanya ni Bonifacio.

Nuong Octobre 8, 1897, dala malamang ng sukdulang lungkot, sinulat niya ang tula, A La Patria (Para sa Bayan), habang nagpapahinga sa isang niyugan (coconut farm) sa Santa Cruz, Laguna. Ito ang pinaka-bantog niyang tula, binatay niya sa Mi Ultimo Adios (My Last Farewell, Aking Huling Paalam) ni Jose Rizal, at nilagdaan niya sa kanyang balatkayo,
Dimasilaw (no deslumbrado, unblinded). Ito ang huling paalam ni Jacinto.

Nuong Febrero 1898, kasama siya pagsabak sa mga sandatahang Español na boluntaryo (cazadores, militia) sa barrio Maimpis, sa Magdalena, Laguna. Nabaril siya sa hita at kinaladkad sa simbahan ng Magdalena subalit hindi siya tinulungan. Pagkalipat sa simbahan ng Santa Cruz saka lamang ginamot ang kanyang sugat ng Español.

Siniyasat siya ng mga sundalo, subalit nagpanggap siyang “Florentino Reyes,” Pilipinong tiktik ng mga Español. Nang ipakita niya ang permiso (pass) ni Reyes, naniwala ang mga sundalo at pinakawalan si Jacinto. Katunayan, nahuli ng mga Katipunero ang tunay na Reyes, at itinago ni Jacinto ang permiso kung sakaling madakip siya ng mga Español, gaya ng nangyari nga. Pagkatapos mapalaya sa Laguna, nagtago siya sa Manila.

Habang nagpapagaling si Jacinto, lumusob nuong Mayo 1, 1898 ang hukbong dagat ng America, pinamunuan ni George Dewey, at dinurog ang sandatahang Español sa Manila Bay. Hindi nagtagal, nuong Agosto 13, 1898,
sumuko ang mga Español sa Intramuros at natapos ang mahigit 300 taon pagsakop sa Pilipinas. Sumulat si Jacinto kay Apolinario Mabini, hangad na ipagpatuloy ang pag-aaral ng abogacia sa binabalak na universidad ng mga Pilipino sa Malolos, Bulacan. Tuwa si Mabini, pinayuhan ang binata na dapat magpalista (matricular, enrol) bago mag-Deciembre 1, 1898. Jacinto burial

Subalit hindi natuloy si Jacinto, bumalik na lamang sa Laguna sa hiling ng mga Katipunero duon na pamunuan niya ang inaasahang digmaan laban sa pagsakop ng America sa Pilipinas. Sumabog nga ang digmaan nuong Febrero 1899, at namahala si Jacinto mula sa himpilan niya sa mga bundok ng Majayjay. Duon siya nagkasakit ng malaria. Mahina na ang katawan dahil sa mga sugat, hirap at mga sakit na dinanas sa nakaraan, natuluyan si Jacinto nuong Abril 16, 1899, sa gulang na 24 taon.

Ang pinagkunan
Mga Aral ng Katipunan sa Kartilya, ni Emilio Jacinto, www.pldt.com/mga_aral_ng_katipunan_sa_kartily.htm
Emilio Jacinto, 1875 - 1899, ‘Brains of the Katipunan’, by Razel Basa, Vip Garrido, Rhesa Tady and Syril Tolentino,
De La Salle University, members.fortunecity.com/vrhes/mainpage.html
Emilio Jacinto, by Robin M. Barangan, Bantayog ng mga Bayani, www.geocities.com/Tokyo/Harbor/1320/bbijacin.html
Emilio Jacinto, 1875 - 1899, Philippine National Heroes, park.org/Philippines/centennial/heroes03.htm
Emilio Jacinto, Hero of the Philippine Revolution, www.msc.edu.ph/centennial/jacinto.html
Emilio Jacinto (December 5, 1875 - April 16, 1899, Heroes, members.aol.com/ATINYROCK/page8.htm
Emilio Jacinto, National Heroes, www.globalpinoy.com,http://www.elaput.org/jacint01.htm

No comments:

Post a Comment