Artemio Recarte
Si Artemio Ricarte ay kilala bilang Vibora, ay isang heneral noong panahon ng rebolusyon, at isa sa mga kinatatakutang rebelde ng kanyang panahon. Siya ay naging tapat na katipunero ni Bonifacio, at matapos mamatay nang huli, umanib naman si Ricarte kay Aguinaldo para sa kalayaan ng Pilipinas laban sa mga Espanyol at Amerikano.
Buhay at Edukasyon
Ipinanganak siya noong 20 Oktubre, 1866 sa Batac, Ilocos Norte at pangalawa sa tatlong anak nina Faustino Ricarte at Bonifacia Garcia.
Matapos na makapag-aral ng elementarya at hayskul sa kanilang probinsiya, pumasok si Ricarte sa Colegio de San Juan de Letran at nagtapos ng Batsilyer sa Sining. Pumasok din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas at sa Escuela Normal noong 1889. Nang sumunod na taon, nakuha ni Ricarte ang kanyang titulo na Maestro de Instruccion Primaria (Teacher of Primary Instruction) at agad na pinadala sa kanilang bayan sa San Francisco de Malabon sa Cavite. Sa anim na taon ng kanyang pagtuturo, siya ay pinuri at hinangaan ng lokal na otoridad at maging ng mga opisyal.
Pakikipaglaban
Sa Cavite, sumali rin siya sa Katipunan at ginamit ang alyas na Vibora (Viper), isang ahas na hango sa ebanghelyo ni San Mateo at dahil dito, naging kilala ang kanyang pangalan sa lahat ng kampo ng mga rebolusyonista.
Noong 31 Agosto 1896, pinangunahan niya ang pag-atake sa kampo ng mga Espanyol sa San Francisco de Malabon. Matapos ang 19 na oras ng pakikipaglaban, nagtagumpay ang grupo ni Ricarte. Siya ay nahalal bilang punong heneral sa hukbo ng Republika noong 1897, hinirang ni Emilio Aguinaldo bilang mayor heneral sa kanyang hukbo, at naihalal bilang kapitan heneral sa Tejeros Convention.
Nang magsimula ang gyera sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano noong 1899, siya ay naging Pinuno ng Operasyon ng pwersa ng mga Pilipino. Noong Hulyo 1900, sinubukan niyang pasukin ang kampo ng mga kaaway sa Maynila ngunit siya ay nadakip ng mga Amerikano at itinapon siya, kasama si Apolinario Mabini, sa Guam.
Noong Pebrero 1903, habang pabalik sa Pilipinas, inudyok ng mga Amerikano na gawin nila ang panunumpa ng katapatan sa bansa ng Amerika. Dahil sa maysakit na noon si Mabini, isinagawa niya ang panunumpa ngunit tumanggi pa rin si Ricarte. Dahil dito, dinala si Ricarte sa isa pang sasakyan at itinapon sa Hongkong.
Palihim siyang bumiyahe pabalik ng Pilipinas noong Disyembre 1903 at pinaghandaan na buuin muli ang hukbo ng rebolusyon. Ngunit isinuplong siya ng isang Pilipino na nagngangalang Luis Baltazar para sa halagang 10000 dolyar at dahil dito, siya ay nadakip sa isang sabungan sa Mariveles, Bataan at noong 1904, siya ay pinaratangan ng subersyo at nahatulan na makulong sa loob ng anim na taon sa Bilibid.
Pinalaya siya noong 26 Hunyo 1910 ngunit tumanggi pa rin siya na manunpa ng katapatan sa Amerika kaya muli siyang ipinatapon sa Hongkong.
Mula 1 Hulyo 1910 hanggang 1915, nanirahan si Ricarte sa Hongkong. Mula sa Hongkong, dinala siya ng kanyang asawa sa Tokyo at pagkatapos ay sa Yokohama, Japan kung saan siya ay namuhay ng mag-isa.
Nilipad siya pabalik ng mga Hapon sa Pilipinas noong 1941, at sa pagtatapos ng gyera, iniutos ng gobyerno ng Japan na ilikas ang mga may ranggong opisyal sa Japan upang hindi sila mahulog sa kamay ng mga Amerikano. Kabilang dito si Ricarte ngunit siya ay tumanggi. Sinabi niya na na hindi niya maaaring iwan ang kanyang mga kapwa-Pilipino, lalo na ngayon na nasa panahon sila ng kagipitan.
Namatay siya noong 31 Hulyo 1945 sa Nagpuraon, Kalinga, Mountain Province dahil sa disinterya (dysentery).
Sanggunian
* Filipinos in History. Vol III. Philippine Theater. Manila: National Historical Institute, 1996.
* Gen. Artemio Vibora Ricarte. (Hinango noong 30 Abril 2008).
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Artemio_Ricarte
http://www.geocities.com/CollegePark/Pool/1644/ricarte.html
Pagkilala
No comments:
Post a Comment