Friday, May 1, 2009

LIWAYWAY A. ARCEO

LIWAYWAY A. ARCEO


Si Liwayway A. Arceo ay pangunahing mangangathang Tagalog at Filipino na nakasulat ng 90 nobela, 2 libong mahigit na kuwento, 1 libong mahigit na sanaysay, 36 tomo ng iskrip sa radyo, 7 aklat ng salin, 3 iskrip sa telebisyon, at di-mabilang na kuntil-butil na lathalain sa halos lahat ng pangunahing publikasyong Tagalog o Filipino. Binago ni Arceo ang topograpiya ng panitikang Tagalog, at ng ngayon ay tinatawag na panitikang popular, sa paglalathala ng mga akdang nagtatampok ng halagahan [values], lunggati [vision], at kaisipang Filipino. Ginamit din niyang lunsaran ang pamilya bilang talinghaga ng Filipinas; at sa pamamagitan ng masinop ng paggamit ng wika ay itinaas sa karapat-dapat na pedestal ang mga kathang Tagalog, sa kabila ng pamamayani ng Ingles bilang opisyal na wika ng edukasyon at gobyerno.
Mga pangunahing aklat

Kabilang sa mga pangunahing aklat ni Arceo ang sumusunod:

* Maling Pook, Maling Panahon. . .Dito, Ngayon (1998);
* Mga Bathalang Putik (1998)
* Titser (1995)
* Canal de la Reina (1985)
* Ina, Maybahay, Anak at iba pa (1998)
* Mga Kuwento ng Pag-ibig (1997)
* Mga Maria, Mga Eva (1995)
* Ang Mag-anak na Cruz (1990)
* Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo (1992)
* Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba pang Katha (1968).

Sumulat din ng biyograpikong nobela si Arceo at kabilang dito ang Ako. . . Si Clara (1990) na hinggil sa buhay ni Santa Clara ng Assissi; Claret, ang Misyonero (1988) na hinggil sa pundador ng Misyong Claretian; at Francisco ng Assissi na hinggil sa buhay ng pundador ng ordeng Fransiskano.
Mga tuluyang nobela

Ilan sa tuluyang nobelang nalathala ni Arceo sa magasing Liwayway at sinubaybayan ng libo-libong mambabasa ang sumusunod: Tulad sa Bituin (1956); Topo-topo (1956–1957); Sa Abo ng Lumipas (1957); Hanggahan ng Pangarap (1957); Kung Sakali man at Salát (1958); Sa Habang Panahon (1957–1958); Huwad na Dambana (1957–1958); Mga Doktor sa Bukid (1959); Ikaw ay Akin (1962); Kung Saan Ka man Naroroon (1964); Lydia Ansaldo, M.D. (1964); Dalawang Kalbaryo (1964); Tatak ng Pagkakasala (1965); Kulay Rosas ang Pag-ibig (1964–965); Iba-ibang Kulay ng Pag-ibig (1966); Liza (1966); Isa ang Susuko (1966); Ang Panigbugho (1966); Hiram na Laya (1965–1966); Ipakipaglaban Mo Ako (1966–1967); Daigdig na Kristal (1967); Ginto sa Dulo ng Bahaghari (1967–1968); Minsan Lamang ang Gabi (1968); Ikaw ang Ilaw Ko (1968); Bahaghari sa Lupa (1969); Nagbabagang Paraiso (1969–1970); Sa Pinto ng Impiyerno (1970); Bawal na Paraiso (1971); Hanggang sa Kabila ng Langit (1972); Piitang Ginto (1972); Dalawang Daigdig (1973–1974); Saan man at Kailan man (1973); at Krus ang Aking Budhi (1976-1977).

Ang kakatwa ay malimit mapagkamalang pag-aari ni Arceo ang magasing Liwayway dahil ang pangalan niya ay “Liwayway” din. Bukod pa rito, naging mataas na pamantayan si Arceo bilang manunulat at editor ng nasabing magasin, na nakatulong nang malaki upang lumaki ang sirkulasyon nito at umabot sa halos kalahating milyong sipi kada linggo.

Ang iba pang tuluyang nobela na hindi binanggit dito ay nasa aklatan ngayon ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Inihabilin ni Arceo ang karamihan sa kaniyang antigong papeles, aklat, at memorabilya doon sa aklatan ng UP noong 28 Agosto 1993 at sa Ateneo Library of Women's Writing (ALIWW) noong 28 Nobyembre 1994. Ang iba pa niyang natitirang aklat at memorabilya ay nasa dating tahanan niya sa Project 6, Lungsod Quezon, at nakahanda para sa Liwayway A. Arceo Foundation na itinatag ng kaniyang anak na abogadong si Florante.
Mga nobeleta

Sumulat din ng maiikling nobela si Arceo at ilan dito ang kumita nang malaki, gaya ng Hanggang sa Kabila ng Langit (1991); Paano Kita Iiwan (1993); Ang Sabi ni Vic (1993); Si Dina, Si Rosauro, Si Demetria (1993); Laro ng Tadhana (1993); Buhayin Mo Po ang Anak Ko (1993); Isang Ina. . . Isang Anak (1993); Kahit Ikaw ang Huling Lalaki (1993); Gabing Payapa, Gabing Tahimik (1993); Huwad na Paraiso (1993).

Ang paglaganap ng nobeletang Filipino ang nagpagiba sa dati noong moog ng komiks. Itinaas ng gaya ng mga akda ni Arceo ang kalidad ng mga kuwento at nobelang pangkomiks, at hinatak ang mambabasa na magtuon sa bagong libangan: libro.
Dulang panradyo at pantelebisyon

Si Arceo ang kauna-unahang manunulat na Filipino na sumulat ng soap opera sa radyo. Ang kaniyang dulang Ilaw ng Tahanan na isinahimpapawid ng DZRH, DZMB, at DZPI ay nagsimula noong Marso 1949 at nagwakas lamang noong Hulyo 1958. Tinipon ni Arceo ang lahat ng kaniyang orihinal na iskrip, kasama ang mga notasyon, at nakabuo ng 36 tomo na halos sumalamin sa isang mahabang panahon ng pamilya at lipunang Filipino. Nagkaroon din ng adaptasyon ang nasabing dula, at ito ay isinalin sa iskrip na pantelebisyon. Ipinalabas ang Ilaw ng Tahanan sa telebisyon noong 1978.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, si Arceo ang manunulat sa likod ni Tiya Dely Magpayo. Ang mga iskrip na binabasa ni Tiya Dely sa kaniyang programang Ang Tangi Kong Pag-ibig na isinahimpapahid sa DZRH noong 1965–1972 at 1990–1999, at sa programang Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely (1965–1972; 1998–1999) ay masinop na sinusulat ni Arceo araw-araw. Ngunit nang yumao na Arceo, napabalitang bumaba ang kalidad ng iskrip ni Tiya Dely dahil na rin marahil sa pagbabago ng manunulat ng iskrip.

Ang mga iskrip ng Lovingly yours, Helen (1978) ni Helen Vela sa radyo ay si Arceo ang utak. Isinalin sa telebisyon ang nasabing programa dahil sa pambihirang halina nito sa madla. Ang iba pang iskrip na sinulat ni Arceo sa telebisyon ay ang Sangandaan (1975) at Damdamin (1978–1979) na pawang sinubaybayan din ng mga manonood noon.
Mga salin

Pumalaot sa pagsasalin ng mga akdang Ingles si Arceo at kabilang dito ang Mahal ka ni Jesus (1988) at Si Jesus, ang Aking Ilaw na pawang koleksiyon ng mga sanaysay ni dating Monsigñor at ngayon ay Obispo Socrates B. Villegas; Birhen ng Guadalupe(1997); Pagbubukas-loob sa Diyos (1994), na salin ng Opening to God ni P. Thomas H. Greene, S.J.; Pagsasanay na Espiritwal ni San Ignacio (1992) na salin ng Spiritual Exercises ni P. Louis Publ, S.J.; Ang Nasusulat na Payo at Pangaral ni Santa Clara (1990) na salin ng lahat ng akda ni Santa Clara. Pinakamabigat na ginawa ni Arceo ang pagsasalin ng Bibliya. Nakasama siya at ang kaniyang asawang si Manuel Principe Bautista sa lupong nagsalin ng bibliyang pinamagatang Bibliya ng Sambayanang Pilipino (1990), na itinuturing ng ilang tagasubaybay na pinakamatinong salin kompara sa ibang edisyon.

Ilan sa mga akda ni Arceo ay isinalin din sa ibang wika. Maihahalimbawa rito ang Canal de la Reina na isinalin sa Nihonggo ni Motoe Terami Wada at nalathala noong 1990; ang “Uhaw ang Tigang na Lupa” na isinalin ni Michiko Yamasita sa Nihonggo noong 1979; at “Banyaga” na isinalin ni Cbetocjiaab Kojieb sa Bulgarian noong 1981 at sa Ruso noong 1967 at ni Mabini Rey Centeno sa Ingles noong 1962 at nalathala sa Philippines Free Press.
Gabay

Naging gabay din si Arceo sa mga kabataang manunulat ng Liwayway noon, at nagtatag ng Bagong Dugo upang pasiglahin ang pagsusulat ng mga bagito sa pagsusulat. Marami sa kaniyang tinuruan ang mga bantayog sa ngayon, at bago mamatay ay nakaharap at gumabay din sa mga kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), na pangunahing samahan ngayon ng mga manunulat sa bansa. Karaniwang itinuturo ni Aling Lily, ani Roberto T. Añonuevo, ang pagiging masinop at mahigpit sa pagsusulat; ang paglinang sa mga tauhan; ang halaga ng pagbalangkas ng mga pangyayari; ang pagsasaharaya ng lunan; ang pagbusisi sa saloobin at pananaw ng katha; ang paggamit ng malikhaing saliksik; at ang pagkasangkapan sa guniguni upang maiangat ang realidad sa higit na mataas na antas.
Pelikula

Si Arceo ang itinuturing na pinakamagandang manunulat sa kaniyang panahon, at walang katapat sa mga Ingleserong manunulat. Napiling gumanap na pangunahing artista si Arceo, kasama sina Carmen Rosales at Norma Blancaflor, sa pelikulang Tatlong Maria na ipinalabas noong 1943 at idinirek ni Gerardo de Leon. Sampaguita Pictures ang nagprodyus ng pelikula. Muling inalok si Arceo na gumawa ng iba pang pelikula, ngunit tinanggihan niya iyon dahil aniya'y ang itinitibok ng puso niya ay sa pagsusulat.
Kritika at papuri

Pinaratangan ng mga akademiko si Arceo na mangangathang nalubog sa komersiyalismo. Gayunman ay hindi sinuri nang malalim ang kaniyang mga akda. Si Arceo, sa pananaw ni Añonuevo, ang nagtakda ng bagong pamantayan at bagong kumbensiyon sa kathang Tagalog at panitikang popular na nag-iwan ng malaking impluwensiya sa mga sumunod na henerasyon ng mga manunulat.

Sinuri naman sa feministang pananaw ni Teresita V. Guillen ang nobelang Mga Maria, Mga Eva ni Arceo, at ito ang patunay na hindi sumusunod lamang ang awtor sa sinasabi ng mga maka-lalaking kritiko. Ilan pang nag-aral sa mga akda ni Arceo ay si Lolita Rodriguez Lacuesta na sumuri sa mga tema at teknika ni Arceo sa pagbuo ng maiikling kuwento; si Mahal Nabor Dureza, na sinuri ang saloobin ng mga tauhan sa maiikling kuwento ni Arceo; si Carol de la Paz-Zialcita, bumusisi sa halagahang Filipinong taglay ng Ilaw ng Tahanan; at sina Anacleta Concepcion, Bienvenido Lumbera, Soledad S. Reyes, Teresita Capili-Sayo, Ofelia Silapan, Paz Belvez, at iba na tumingin sa iba't ibang anggulo ng pagkamanunulat ni Arceo.

Nilagom ni Efren R. Abueg, na kilalang mangangatha sa Filipino at kabilang sa grupong Agos sa Disyerto, ang katangian ni Arceo bilang manunulat: “Kung pag-uusapan ang panahong sinaklaw ng pagsusulat, korpus ng mga nasulat, gantimpala at karangalang natamo, natanggap na mga pagkilala sa kaniya at sa kaniyang mga akda, pokus ng kaniyang mga paksa at impluwensiya sa mga kabataan, walang babaing manunulat sa kasalukuyan, sa anumang wikang ginagamit sa Panitikan sa Pilipinas, ang makahihigit pa sa kaniya. . . .”
Sanggunian

  1. Añonuevo, Roberto T., “Magkabiyak na Panulat” sa 2: Tula ni Manuel Principe Bautista at Sanaysay ni Liwayway A. Arceo. Quezon City: University of the Philippines Press, 1988, mp. xi-xxiii.
  2. Añonuevo, Roberto T. "Ang Pormula ng Kuwentong Popular: Isang Pagbasa sa mga Akda ni Placido Parcero Jr." sa Alyas Juan dela Cruz at iba pang Kuwento ni Placido Parcero Jr. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.
  3. Belvez, Paz M. Isang Pag-aaral ng mga Maikling Katha ni Liwayway A. Arceo. National Teachers' College, Maynila, 1964.
  4. Encarnacion, Anacleta M. “Walang Lubay ang Pag-inog ng Malikhaing Daigdig ni Liwayway A. Arceo,” Unang Gantimpala. Pasig City: Surian ng Wikang Pambansa, 1982.
  5. Capili-Sayo, Teresita. Ang Pilipino at ang Kanyang Kultura't Lipunan sa mga Maikling Kuwento ni Liwayway A. Arceo. Manila: Polytechnic University of the Philippines, 1982.
  6. Dureza, Mahal Nabor. Isang Pag-aaral sa mga Saloobin ng mga Pangunahing Tauhan ng Ilang Maikling Kuwento ni Liwayway A. Arceo at ang mga Implikasyong Moral nito. Bacolod City: University of Negros Occidental Recoletos, 1984.
  7. Guillen, Teresita V. “Isang Feministang Pagsusuri sa Mga Maria, Mga Eva ni Liwayway A. Arceo,” lekturang pampropesor. Binasa sa UP Mindanao, Davao City, Pebrero 1988.
  8. Guillen, Teresita V. “Ina, Maybahay, Anak, at Iba Pa,” sa Diliman Review, tomo 44, bilang 2, 1997.
  9. Kintanar, Thelma, ed. Emergent Voices: Southeast Asian Women Novelists.
  10. Lacuesta, Lolita Rodriguez. Theme and Techniques in the Short Stories of Liwayway A. Arceo. Ateneo de Manila University, Quezon City, 1979.
  11. Lumbera, Bienvenido. “Essays on Philippine Cultural Tradition and Literature,” sa Brown Heritage, 1967.
  12. Reyes, Soledad S. Nobelang Tagalog (1905–1975). Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1982.
  13. Silapan, Ofelia. Isinilang na Manunulat–Liwayway A. Arceo. Unibersidad ng Pilipinas, Lungsod Quezon, 1979.
  14. Zialcita, Carol de la Paz. Ilaw ng Tahanan—A Reflection of Filipino Values in the 50's. UP Diliman, Quezon City, 1979.
  15. http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Liwayway_A._Arceo

1 comment:

  1. UHAW ANG TIGANG NA LUPA was translated into English by BUENAVENTURA S. MEDINA, entitled: THIRSTY IS THE ARID LAND.

    Arceo, together with Ligaya Perez, Lina Flor and Gloria V. Guzman also wrote a serialized komiks novel called MGA BATONG HIYAS in Pilipino Komiks. It was beautifully illustrated by Nestor Leonides.

    ReplyDelete