Isang Araw ng Pamamalikmata
Vlad Gonzales
Isang karaniwang araw sa isang karaniwang unibersidad, sa isang pangkaraniwang klase, sa isang pangkaraniwang silid-aralan, bumisita ang isang Salamangkero. Salamangkero, iyon ang pagpapakilala niya sa sarili niya, pero walang sinuman sa loob ng pangkaraniwang silid-aralan ang naniwala sa kanyang pagpapakilala. Sa totoo lang, wala siyang espesyal na pisikalidad na magpapatotoong siya’y may kung anong mahika. At sa totoo lang, wala naman talagang pumapansin sa kanya, walang gustong makinig. Ang mahika’y isang malayong konsepto na para sa mga taong nasa silid, bukod pa sa nakalipas na ang maraming oras ng paglalabas-pasok sa napakaraming mga klase’t pagod na ang lahat para makinig o manood sa mga bagay na wala silang interes. Kung di pa naawa’t naintriga ang guro’y hindi na pinapasok ang bisita.
Kumbinsihin mo kami. Masungit ang tono ng isang estudyante. Tumango-tango ang guro’t mga kamag-aral.
Pinapikit ng salamangkero ang kanyang mga tagapanood. Pinapikit, ipinataboy ang liwanag sa mga mapanuring mata. Lumipas ang ilang segundo.
Ngayon, kayo’y dumilat.Malakas ang tinig-panggulat ng salamangkero. Dumilat ang lahat.
Masdan ninyo, naglaho na mula sa mundo natin ang mga kaeskuwela ninyo.
Tumingin-tingin sa paligid ang mga tagapanood. Pilit na tinandaan kung sino ang kanilang nasa kanan, kaliwa, harap, likod. Binalasa ng guro ang kanyang index cards, siniyasat ang listahan ng mga pangalan. Tila parang walang nawawala, parang wala namang pagbabago. Nagsisimula pa lang pumasok ang Hulyo, hindi pa kabisado ng bawat isa ang hubog ng mukha, amoy, pananalita’t porma ng kani-kanilang mga kasama. Pero nakasisiguro sila, walang sinumang kaibigan o kakilala ang nawala, walang anumang maliit na bakas ng pagbabago. Magkakasama pa rin sila’t isang malaking istorbo, isang malaking panloloko ang pag-aabang na makumbinsi ng bisitang Salamangkero.
Nasasayang lang ang aming araw, ang sabi ng isa.
Walang pinag-iba sa napakaraming mga manloloko, dagdag pa ng isa.
Kung nagpatuloy na lang tayo sa ating leksyon, sana’y may natutunan pa tayo.
Nauubos na ang pasensya ng mga tagapanood. Sumesenyas na sa kanyang relo ang guro. Muli, nakiusap ang salamangkero, isang sandaling pagpikit, at maipapakita niya, maipapamalas ng kanyang mahika ang totoo.
Narito, ang sigaw ng salamangkero pagkatapos ipabukas ang mga mata ng kanyang mga tagapanood, narito ang inyong ama, ina, nobyo, nobya, asawa, kaibigan, kapatid, anak, narito ang lahat ng taong pinakaiingatan ninyo sa inyong mga kaloob-looban!
Tatlong inuuod na katawan ang gumulat sa guro’t mga estudyante. Tatlong katawang batbat ng pagkaagnas. Tatlong piraso ng lamang sa pagkabulok ay wala nang pagkakakilanlan. Ang kataka-taka, walang anumang bakas ng nakasusukang alingasaw, walang tanda ng anumang baho ang mga nakatayong bangkay. Ang pagkagulat ay napalitan ng pagkainis, ng pag-uusisa.
Aba, sino naman ang mga ito? Wala sa wangis nila ang kahit na sinong kakilala ko!
Walang amoy, wala na ring mata, ilong, wala nang hubog ang katawan! Baka halimaw o demonyo!
Oo, demonyo! Isang ilusyon! Isang panloloko!
Biglang naglaho ang Salamangkero, kasama ng tatlong katawang inuuod. Kasabay ng kanilang pagkawala ang paglalaho ng kanilang alaala mula sa isip ng guro’t mga mag-aaral. Nagpatuloy ang klase sa kanilang leksyon, nagpatuloy sa pag-usad sa kanilang araw. Isang pangkaraniwang araw, isang mahaba, nakababagot, isang paulit-ulit na karaniwang araw. Samantala, sa isang tagong lugar sa unibersidad, nabuwal ang isang matandang puno. Walang sinumang nakarinig sa pagbagsak, walang sinumang nakakita ng pagkakalaglag.
No comments:
Post a Comment