Digmaan: Kung Paano Nilikha Ang Daigdig
LIBU-LIBONG taon sa nakaraan, nuong wala pang araw o buwan, o mga bituwin, walang lupa - ang daigdig ay natatakpan ng dilim at malawak na dagat. At sa itaas, ng taklob ng langit. Ang makapangyarihang Kaptan ang hari sa langit, samantalang ang tubig ay kaharian ni Maguayan.
May anak na babae si Maguayan, ang ngalan ay Lidagat. Lalaki ang anak ni Kaptan, si Lihangin. Nagkasundo ang 2 diyos na mag-asawa ang mga anak nila kaya nagsama ang hangin at dagat. Nagka-anak sila ng 3 lalaki at isang babae, si Lisuga, hubog sa lantay na pilak ( pura plata, pure silver), mahinhin at mayumi. Ang mga lalaki ay si Likalibutan, buong bato, malakas at matapang, si Liadlao, lantay na ginto at laging masaya, at si Libulan, buong tanso, mahina at kimi.
Mahal silang lahat ng mga magulang at pinalaki sila sa ligaya. Dumating ang panahon, namatay si Lihangin. Si Likalibutan, ang panganay, ang nagmana ng pagka-hari sa hangin. Hindi nagtagal, si Lidagat man ay namatay. Naiwang ulila ang mga anak kaya inaruga sila ng mga lolo, sina Kaptan at Maguayan, at iniligtas sa anumang panganib.
Paglaki, nawili si Likalibutan sa minanang pagka-hari sa hangin, at hinangad niyang palakihin pang lalo ang kanyang kapangyarihan. Inamuki niya ang 2 kapatid na lalaki na sumabwat sa kanyang pag-agaw sa lakas ng lolo, si Kaptan. Tumanggi muna ang 2 kapatid subalit nagalit si Likalibutan kaya pumayag na rin si Liadlao upang mapahinahon ang kapatid. Magkatulong, madali nilang napilit ang kiming kapatid, si Libulan.
Naghanda sila at biglang sinugod ang langit subalit hindi nila naibagsak ang nakaharang na pintong bakal. Pinawalan ni Likalibutan ang pinaka-malakas niyang hangin at giniba ng ipu-ipo ang pintong bakal. Lumusob ang 3 magka-kapatid subalit hinarap sila ng puot na puot na Kaptan. Natakot ang 3 at mabilis na tumalilis subalit ipinahagad sila sa kidlat ni Kaptan.
Ang kiming Libulan ang unang tinamaan, natunay at naging bilog na bola. Sunod tinamaan at natunay ang ginintuang Liadlao. Nang tamaan ng kidlat si Likalibutan, nagka-pira-piraso ang kanyang katawang bato at kalat-kalat na bumagsak sa dagat. Napaka-laki ng katawan ni Likalibutan kaya ang tipak-tipak na bato ay usli sa dagat at naging mga pulo.
Samantala, ang mayuming Lisuga ay nalumbay at hinanap ang mga kapatid, walang malay na nagka-digmaan, at puot na puot ang kanyang lolo. Papalapit pa lamang siya sa langit nang nalingatan si Kaptan at, bago nakapag-pigil, pinukol din ng kidlat. Nadurog si Lisuga sa libu-libong piraso ng pilak.
Sukdulan pa rin ang galit, lumundag sa dagat si Kaptan at sumisid upang sabakan si Maguayan na akala niya ay kasabwat sa paglusob. Subalit mabilis na lumitaw si Maguayan at nangatwirang wala siyang kinalaman sa nangyari, sapagkat natutulog siya nuon sa kalaliman ng dagat. Napahinahon din niya sa wakas si Kaptan, at magka-akbay silang nagluksa sa pagkamatay ng mga apo, lalo na ang maganda at mahinhing Lisuga.
Sinubok nilang ibalik ang buhay ang mga apo subalit hindi abot ng kanilang kapangyarihan, kaya pinatawan na lamang nila ng liwanag na kikinang habang panahon. Sa gayon, ang ginintuang katawan ni Liadlao ay naging araw (sol, sun), ang kiming Libulan ang naging buwan (luna, moon), at si Lisuga ay naging libu-libong bituwin sa langit.
Ang buhong na Likalibutan ay hindi binigyan ng liwanag at hindi inangat sa langit. Ipinasiya ng 2 lolo na gamitin ang kanyang pira-pirasong bangkay bilang sibulan ng ibang uri ng tao. Naglabas ng buto si Kaptan at itinanim sa isang pulo na dating bahagi ni Likalibutan. Dinilig ito lagi ni Maguayan at hindi nagtagal, tumubo ang isang puno ng kawayan. Mula sa isang biyas (node) nito, lumabas ang isang lalaki, si Sikalak, at isang babae, si Sikabay. Sila ang magulang at ninuno ng lahat ng tao sa daigdig.
Ang unang anak nila ay ang lalaking Libo, sinundan ng babaing Saman. Ang pang-3 anak ay isang lalaki rin, si Pandaguan na nagka-anak din ng isang lalaki, si Arion.
Matalino si Pandaguan at lumikha siya ng bitag (trampa, trap) na panghuli ng isda. Ang una niyang nabihag ay isang dambuhalang pating na pagka-ahon sa lupa ay napaka-laki at nakaka-takot kaya inakala ni Pandaguan na isang diyos ito. Agad niyang tinawag ang mga tao at hinimok na sambahin nilang lahat ang pating. Paligid silang umaawit at nagdarasal sa pating nang biglang bumuka ang langit at dagat at lumitaw ang 2 tunay na diyos, sina Kaptan at Maguayan. Inutos nila na itapon ang pating sa dagat at huwag sumamba kahit kanino maliban sa kanilang dalawa.
Lahat ay natakot maliban kay Pandaguan. Hinarap niya ang 2 diyos at pinilit na kasing laki ng diyos ang pating. Dinagdag pa niya, dahil nagapi niya ang pating kaya niya rin talunin ang mga diyos. Pagkarinig dito, pinukol ni Kaptan ng kidlat si Pandaguan, subalit munting kidlat lamang sapagkat ayaw niyang patayin ito, bagkus turuan lamang madalâ. Tapos, pinarusahan nilang dalawa ni Maguayan ang lahat ng tao. Pinalayas nila ang mga tao sa kalat-kalat na pulo.
Hindi nga namatay si Pandaguan bagaman at 30 araw siyang nahandusay bago nakatayo uli. Lumakas siya uli, subalit sunog ang buong katawan kaya lahat ng anak niya mula nuon ay itim ang balat. Si Arion na anak niya bago nagka-parusahan ay hindi umitim. Pinalayas siya ng 2 diyos sa hilaga (norte, north) kung saan siya lalong namutla. Kaya ang mga anak-anakan niya ay mapuputi ang mga balat.
Si Libo at si Saman ay ipinatapon sa timog (sur, south) kung saan “naluto” ang kanilang balat, kaya ang mga anak-anakan nila ay kayumanggi ang kulay. Ang anak na lalaki ni Saman, kasama ang anak na babae ni Sikalak, ay itinaboy sa silangan (oriente, east) at nasadlak sa pulo na matagal bago tinubuan ng halaman. Walang pagkain, napilitan ang dalawa na kumain ng luwad (arcilla, clay), kaya ang mga anak-anakan nila ay dilaw (amarillo, yellow) ang kulay ng balat.
Ganito nalikha ang araw, buwan at mga bituwin sa langit, ang mga pulo sa ibabaw ng dagat, at paano nagkaruon ng iba’t ibang uri ng tao sa daigdig.
ANG PINAGKUNAN
‘How the World Was Made,’ An Ancient Filipino Account of the Creation., John Maurice Miller, Philippine Folklore Stories,
Ginn and Company, Boston, 1904, from Creation Myths from the Philippines, edited by D. L. Ashliman, © 2003
http://www.elaput.org/almat08.htm
No comments:
Post a Comment