Ang Pulubi
Minsan may dalawang pulubi na nasa lansangan na namamalimos ng barya sa mga nagdaraan.
Isang gabi, sila'y ginising mula sa pagkakahimbing ng isang nakasisilaw na liwanag. At mula sa liwanag na iyon ay may namataan silang isang pambihirang nilalang.
Maganda ang damit at gawa sa mamahaling bato ang kasuotan nito. Natuwa and dalawang pulubi.
"Ito na marahil ang hari ang mga hari," ang sabi ng isa. "Tama! Pagkakalooban niya tayo ng kayamanan, at hindi na uli tayo kailangan pang mamalimos!"
Lumapit nga sa kanila ang hari at sila'y kinausap. "Ano ang maaari ninyong ihandog sa akin?" ang tanong nito. Nagtaka and isang pulubi. Bakit sila pa ang magbibigay? Ang naisaloob niya.
Samantalang ang ikalawang pulubi ay nagmamadaling nagbukas ng kanyang sako at kumuha ng pinakamalaking piraso ng tinapay na mayroon siya. "Anong gagawin mo?" ang tanong ng naunang pulubi dito.
"Iaalay ko sa kanya ang pinakamalaki kong tinapay." "Nababaliw ka na ba? At papaano ka?" "Karapat-dapat lamang ipagkaloob sa hari ang nararapat para sa kanya at ito ang aking gagawin!"
Inalay nga ng pulubing yaon ang malaking piraso ng tinapay. "Ito lang po ang aking maipagkakaloob," ang sabi pa nito sa hari." Ngunit ito na po ang pinakamalaking bagay sa buhay ko. Nawa'y tanggapin ninyo." Tinanggap ng hari ang tinapay na alay ng pulubi.
Nang balingan nito ang isa pang pulubi ay nakita nitong nagkukumahog ng naghahagilap ang pulubing iyon sa paghahanap ng maipagkakaloob. Sa wakas, nakakita rin ito ng pinakamaliit na butil ng mais. Inalay nito sa hari ang naturang butyl ng mais. "Heto lang ang maaari kong ipagkaloob sa inyo," ang sabi pa nito. Iyon lang at tinanggap iyo ng hari. At bigla ngang naglaho ang liwanag at nawala na rin ang hari. Maya-maya'y may napansin ang isang pulubi sa buhat-buhat niyang sako. Animo bumigat iyon. Nang buksan niya iyon, laking gulat niya sa nakita! Sa loob ng sako ay may nakalagay na ginto! Isang malaking piraso ng ginto na 'sing laki ng tinapay na ipinagkaloob niya sa hari! Napalunok ang isa pang pulubi nang makita iyon. Nang bisitahin din niya ang kanyang sako, hindi siya nagulat nang makita niyang nakalagay na ginto doon. Gintong 'sing liit ng isang butyl ng mais na ipinagkaloob niya.
MENSAHE:
Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. Kung ano ang ipinagkaloob natin sa Diyos ay siya rin nating tatanggapin
No comments:
Post a Comment